Mga dapat nagpapaligaya sa atin

TAYO raw ang pangatlo sa pinakamaligayang tao sa buong mundo, ayon sa ginawang global survey noong nakaraang taon ng Gallup International. 86%  ng mga Pilipino ang nagsabing sila’y masaya.  Ang nangunguna sa pinakamaligayang tao ay ang mga taga Fiji, 92%; sinusundan ng mga taga-Colombia, 87%.  Ang pinakamalungkot na tao ay ang mga taga Iran, 5% lang ng kanyang mamamayan ang nagsabing sila’y masaya.

Talagang tatak nating mga Pilipino ang pagiging masayahin. Kahit sa harap ng matinding kalamidad, nakakatawa pa rin tayo.  Naalala ko noong ako’y reporter pa sa diyaryo, napakahirap mahuli sa camera ang malungkot na ekspresyon sa mukha ng mga biktima ng kalamidad.  Kahit umiiyak, kapag nakitang kinukuhanan o bini-video, aba’y biglang ngingiti at kakaway pa.  Kakaiba rin ang ating ugali na pagtawanan ang sarili nating kamalian o kapintasan. Kaya naman kapag may malaking trahedya sa ating bansa, doon lumalabas ang katakut-takot na mga biruan at katatawanan.

Maayos naman ang pagiging masayahin nating mga Pilipino, sapagkat ito ang ating “coping mechanism”para harapin ang mga problema ng buhay. Pero magiging hadlang ito sa pagbabago, kung ang lahat ay idinadaan natin sa biro o sa tawa at hindi natin siniseryoso ang mga bagay-bagay. Hindi maaaring tawanan lamang natin ang ating mga problema habang panahon.

 Kapag puro tawa ang gagawin nating tugon sa mga problema, mangyayari sa atin ‘yong sinasabing “laughing on the outside, crying on the inside” na kantang pinasikat ng American singer na si Dinah Shore noong 40’s.

Masaya ba tayo sa ano? Ito ang isang mahalagang bagay na dapat matiyak natin bilang isang lahi. Ano ang mga bagay na dapat nagpapasaya sa atin?  At ano naman ang mga bagay na dapat  nagpapagalit sa atin? Malaking problema kung ang mga dapat nagpapasaya sa atin ay nakapagpapalungkot sa atin. At kung ang mga dapat nagpapalungkot sa atin ay nakapagpapasaya sa atin. Malaking problema sa ating “value system” kung sa halip na magalit ay tuwang-tuwa tayo sa pagmumura sa publiko ng isang mataas na opisyal ng gobyerno. O kung ang malalaswang pagbibiro ay nakakapagpabunghalit sa atin.

Si Panginoong Hesus ay nagbigay ng napakagandang pangaral tungkol sa pinagmumulan ng tunay na kaligayahan sa tinatawag na “Sermon sa Bundok” na naitala sa Mateo 5: 3-12. Sinabi niya rito na ang tunay na kaligayahan ay nakasalalay sa pagiging mapagpakumba, sa pagkagutom at pagkauhaw sa katuwiran, sa pagiging mahabagin sa kapwa, sa pagkakaroon ng malinis na puso, at sa pagiging mapagpayapa. May gantimpala rito sa lupa at lalo na sa langit para sa mga taong lumiligaya mula sa mga bagay na ating nabanggit. 

May tinatawag na “holy anger.” Kailangang nagagalit ka sa mga bagay na lihis sa katuwiran, katotohanan, katarungan, at kabutihan. Dapat nilalabanan mo, sa halip na pinagtatawanan o ipinagwawalang-bahala ang mga ito. Kailangang magalit ka nang hindi nagkakasala.

Magsimula ka na ngayon sa pamamagitan ng malalim na pagsusuri kung ano ang mga bagay na nakapagpapatawa o nakapagpapalungkot sa iyo.  Kung may mga bagay na dating nakapagpapatawa sa iyo pero ngayon ay napagtanto mo na hindi dapat, ang una mong kailangang gawin ay huwag itong pagtawanan. Pagkatapos, pakiusapan mo ang iba na huwag din itong pagtawanan.

 

Show comments