7-anyos mula Texas, nakaakyat sa tuktok ng pinakamataas na bundok sa Africa

ISANG 7-anyos mula Texas ang nagawang akyatin ang pinakamataas na bundok sa Africa para sa alaala ng kanyang yumaong ama.

Hindi inurungan ni Montannah Kenney ang matarik na daan papunta sa tuktok ng Mount Kilimanjaro na kanyang nilakbay kasama ang kanyang inang si Hollie Kenney.

Sinuong ng mag-ina papaakyat ng Mt. Kilimanjaro ang malakas na ulan at makapal na patak ng niyebe.

Inabot sila ng isang linggo bago nila narating ang tuktok ng halos 6 na kilometrong taas na bundok.

Makasaysayan ang ginawang pag-akyat ni Montannah sa Mt. Kilimanjaro dahil sinasabing siya ang pinakabatang nakarating sa tuktok nito.

Dahil sa napakamurang edad ni Montannah ay kinailangan pa nilang kumuha ng espesyal na permit mula sa kinauukulan dahil mga batang 10 taon pataas lamang ang pinapayagang umakyat ng Mt. Kilimanjaro.

Higit naman sa pagkakamit ng world record ang pakay ni Montannah sa ginawa niyang pag-akyat. Ginawa niya raw ito para sa alaala ng kanyang ama na yumao matapos siyang magdiwang ng kanyang ikatlong kaarawan.

Show comments