^

Punto Mo

Dahil ba sa buto ng kamatis ang apendisitis? (Unang Bahagi)

DOCTOR’S TOUCH - Dr. Luis Gatmaitan M.D - Pang-masa

ANO ba ang silbi ng appendix sa ating katawan? Walang masasabing tiyakang silbi ang appendix sa ating katawan. Puwede tayong mabuhay nang wala nito. Pero sinasabing noong nasa tiyan pa tayo ng ating mga ina, naging bahagi ito ng ating immune system: Tumulong ito sa depensa ng katawan ng sanggol na nasa sinapupunan pa.

Gaano kalaki ang appendix?

Isa ito sa pinakamaliit na organo sa tiyan. May sukat na 3-4 pulgada (inches).

Saan ito makikita sa mismong tiyan?

Nakadugtong ito sa unang bahagi ng ating large intestine (bitukang malaki). Kung sa labas naman ng katawan natin titingnan, matatantiya natin kung nasaan ang appendix kung hahatiin sa apat na bahagi ang tiyan. Nandoon ito sa kanang bahagi sa dakong ibaba (right lower quadrant) ng tiyan.

Bakit tinatawag itong surgeon’s organ?

Isa kasi ang appendix sa organong kailangang operahin kapag namaga. At dahil madalas ding ginagawa ang operasyong nagtatanggal ng appendix (na kung tawagin ay ‘appendectomy’), tinawag itong “surgeon’s organ.”

Ano ang sanhi ng appendicitis?

Ang pasimula ng appendicitis ay ang pagkakaroon ng bara sa makitid na tubo ng organong ito: maaaring dulot ng pupu, impeksiyon, o bulateng Ascaris.

Ano ang mga sintomas ng namamagang appendix?

Nawawalan ng ganang kumain, may di kataasang lagnat, may pakiramdam na “full” ang tiyan, may pagsusuka, pananakit sa dakong sikmura o pusod na kalaunan ay lilipat sa dakong ibaba ng kanang bahagi ng tiyan. Unti-unting tumitindi ang pananakit ng tiyan sa loob ng 12 oras.

Puwede bang daanin sa antibiotics ang appendicitis para hindi na maoperahan?

Hindi. Kadalasan, kapag nagsimulang mamaga ang appendix ay tuloy-tuloy na ito. Kung hindi oopearahan agad, baka sumabog ang namamagang appendix at kumalat ang mikrobyo sa mga katabing organo. Mas delikado ito. Kailangan munang gawin ang masusing physical exam sa pasyente kasama ang blood exam at urine exam upang makatiyak na appendicitis nga ito. Mahirap mag-opera ng pasyente kung di sigurado na kaso ito ng appendicitis.

Sino ang puwedeng magka-appendicitis? Mga bata lang ba?

Kahit sino, bata o matanda, lalaki man o babae, ay puwedeng magkaroon ng appendicitis. Pero mas madalas itong makita sa pagitan ng edad 10 at 30. Kahit ang mga batang maliliit ay di rin puwera sa appendicitis. Yung iba, kung kailan nagkaedad na, ay noon pa naooperahan sa appendix.     

Delikado ba ang operasyong nagtatanggal ng appendix?

Hindi naman. Kung hindi pumutok ang appendix, madali lamang ang operasyon at mabilis din ang paggaling. Pero kung hindi naagapan at pumutok ang appendix, kakailanganing gumawa pa ng mas malaking hiwa sa tiyan upang malinis ang iba pang mga organong posibleng nakalatan ng impeksyon. Dito rin kakailanganin ang matinding antibiotiko para hindi manganib ang buhay ng pasyente. May iba pang komplikasyon na puwedeng mangyari sa ganitong pagkakataon.

Paano tayo makakaiwas sa pagkakaroon ng appendicitis?

Walang tiyak na paraan upang makaiwas tayong mamaga ang appendix. Basta na lang itong nangyayari. Walang kinalaman ang paglundag-lundag matapos kumain o ang pagkain ng maraming buto ng kamatis at bayabas.

APPENDIX

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with