NAGULAT si Alexis sa natuklasan nina Benhur sa dulo ng Isla. Kaya pala hindi na bumalik ang dalawang barko na natanaw nila ay dahil sa backdoor naka-pondo. Nakatago sa makakapal na bakawan. Galit si Alexis. Maaaring makapasok sa Isla ang mga makinaryang pangmina at ang kasunod ay ang pagkawasak na ng kanilang lugar.
Hindi siya papayag na mangyari iyon.
Hiningi niya ang opinyon ni Benhur.
“Ano ang balak n’yo Benhur?’’
“Suggestion ko Sir Alexis, sisisirin namin nina Tomas at Miguel ang ilalim ng barko.’’
“At pagkatapos na masisid anong gagawin n’yo?’’
“Bubutasin namin ang ilalim ng barko. Sa bigat ng equipment tiyak na lulubog agad ang barko at masisira ang mga iyon. Hindi na mapapakinabangan ang mga makinang pagmina kapag pinasok ng tubig alat.’’
Napatangu-tango si Alexis. May katwiran si Benhur. Iyon na lamang ang tanging paraan para mapigilan ang mining company sa kanilang balak sa Isla.
“Hindi ba magiging delikado ang pagsisid n’yo Benhur?’’
“Sanay kami, Sir Alexis. Lalo na sina Tomas at Miguel. Sanay na sanay sila sa pagsisid. Kahit gaano kalalim, puwede nilang sisirin.’’
Sumabat sa usapan si Lolo Kandoy. Nagbigay ito ng payo.
“Kung sisisid kayo, kailangang may koordinasyon sa bawat isa. Mahirap na kung kailan kayo nasa ilalim na ay saka kayo magkakalituhan. Bago lumubog sa tubig, kailangang kabisado na ang mga senyas.’’
“Opo Lolo Kandoy.’’
“Hindi n’yo naitanong e dati akong maninisid. Ilang barko ng Japanese na pinalubog noong tag-Hapon ang nasisid ko. Walang gamit na anumang aparatu. At sa awa ng Diyos ay napagtagumpayan ko ang trabaho. Pumutok na lang kasi ang eardrum ko kaya tumigil na ako. Pero kung hindi baka sumisisid pa ako hanggang ngayon.’’
“Marunong ka palang su-misid Lolo,” sabi ni Alexis na humahanga sa matanda.
“Oo Alexis. Bata pa ako e marunong nang sumisid. Sanayan din ang paninisid.’’
“So sang-ayon ka Lolo na sisirin na nga ang barko na may equipment na pangmina?’’
“Oo. Palagay ko, yan na lamang ang tamang paraan. Tama si Benhur na kapag nabutas nila ang barko, papasukin ng tubig ang mga equipment at hindi na mapapakinabangan ang mga ito.’’
“Sa palagay mo Lolo, gaano katagal bago lumubog ang barko.’’
“Depende sa laki ng butas. Kung lalakihan nina Benhur ang butas, ilang oras lang lubog na.’’
Napatangu-tango si Alexis.
Maya-maya inatasan na sina Benhur na maghanda sa gagawing pagsisid.
“Kayo ang magiging mga bayani sa gagawing ito kaya sana ay magtagumpay kayo. Benhur.’’
“Gagawin namin ang lahat, Sir Alexis. Alang-alang sa Isla, titiyakin namin na paglutang, butas na ang barko.’’
“Sige, Benhur. Kung anuman ang kailangan n’yo sabihin mo na ngayon.’’
“Wala kaming kailangan, Sir Alexis. Alam na naman namin kung saan dadaan para makarating sa ilalim --- sa mga bakawan. Kabisado namin ang mga bakawan sa lugar.’’
“Sige maghanda na kayo at doblehin ang ingat.’’
Tinapik-tapik naman ni Lolo Kandoy sina Benhur at mga kasama.
“Mag-ingat kayo!’’
(Itutuloy)