KAHAPON, pormal nang nilagdaan ni Senator Antonio Trillanes ang bank waivers sa 12 accounts na itinuturo na umano’y deposito sa iba’t ibang banko sa abroad.
Bagamat nanindigan si Trillanes na fake news at gawa-gawa lang umano ang mga napaulat na bank accounts, minabuti nito na lumagda ng waiver upang bigyan ng kapangyarihan ang Ombudsman at ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) upang busisiin ang account at kumpiskahin ang salapi kung meron man.
Kasabay nito ay hinamon ni Trillanes si Pres. Rodrigo Duterte na lumagda rin sa bank waiver upang mabusisi rin ang depositong pera nito sa banko.
Ayon sa alegasyon ni Trillanes, bilyong piso umano ang deposito ng Presidente sa banko at milyong piso sa anak na si Davao Vice Mayor Paulo Duterte at manugang na si Atty. Mans Carpio.
Kung walang tinatago umano ang Presidente na limpak-limpak na salapi sa banko ay hindi ito maduduwag na pumirma sa bank waiver.
Abangan kung tutugon ang Presidente sa hamon ni Trillanes na pumirma rin ng bank waiver upang magkaalaman na kung sino ang mga may itinatagong pera.
Samantala, makabubuting lahat ng opisyal ng gobyerno ay manguna na sa paglalagda ng bank waiver upang anumang oras ay puwedeng busisiin ng Ombudsman at AMLC kung may alegasyon ng katiwalian .
Sana sa pag-upo sa puwesto ng sinumang opisyal ng gobyerno ay gawin na ng requirement ang bank waiver upang mas mabilis ang pag-iimbestiga sakaling may usapin ng katiwalian.