ANG British actor na si Anthony Hopkins ay kinontrata ng isang American film company para gumanap sa isang major role ng pelikulang nakatakda nilang gawin. Ang pelikulang gagawin ay mula sa sikat na nobelang sinulat ni George Feifer, ang The Girl from Petrovka. Upang maging pamilyar sa karakter na kanyang gagampanan nagtungo siya sa London upang bumili ng librong nabanggit. Ngunit sa kasamaang palad, ubos na ang libro kahit saang bookstore siya nagpunta.
Habang sakay ng tren pauwi, napansin niyang may librong nakapatong sa isang bakantaeng upuan. Walang pumapansin sa libro kaya’t kinuha niya ito. What a coincidence! Ang librong papatong-patong lang sa upuan ay ang hinahanap niya: The Girl from Petrovka!
Minsan ay bumisita sa set ng shooting ang author ng libro na si George Feifer. Ipinakilala si Anthony Hopkins kay Feifer. Sa gitna ng pagkukuwentuhan, nabanggit ni Feifer na wala siyang kopya ng sarili niyang libro dahil ang personal niyang kopya ay ipinahiram niya sa isang kaibigan. Ngunit sa kasamaang palad, iniwala iyon ng kanyang kaibigan.
Naisip ni Anthony na ibigay na lang niya ang kanyang kopya kay Feifer, tutal natapos na niya itong basahin. Kinuha niya sa kotse ang libro. Habang iniaabot ni Anthony ang libro:
“Alam mo, napulot ko lang ‘yan sa upuan sa tren. Nakalimutan siguro ng may-ari…”
Kinuha ni Feifer ang libro. Pagbuklat nito sa mga pahina, nakita niya ang sariling pirma sa last page ng libro. Iyon ang personal copy niya na ipinahiram sa kaibigan pero iniwala. At ‘yun nga, si Anthony ang nakapulot. Then…bumalik sa tunay na may-ari.
*Ang pelikula ay ipinalabas noong 1974.