INUTUSAN ni Col. Jack Valdez ang drayber niyang pulis na idikit ang kanilang sasakyan sa ridiung-in-tandem.
“Kailangang nakadikit na tayo bago dumating sa sunod na traffic light. Biglang sasa-lakay ang mga yan dahil sanay pumatay. Idikit mo pa Sarge. Pero huwag kang pahahalata.’’
Idinikit ni Sarge ang sasakyan nila sa tandem. Napagmasdan ni Colonel ang motorsiklo.
“Tingnan n’yo walang plaka ang motor. Talagang planado ang lakad ng mga ito. At tingnan n’yo ang kaangkas, nakapasok ang kanang kamay sa jacket. Hawak na niya ang baril. Talagang sanay pumatay ang mga ito.’’
“Palagay mo Sir, malaki ang bayad sa mga ‘yan?’’ Tanong ni Lex.
“Oo. Mga hired killers talaga ang mga ‘yan at sinisiguradong patay ang target. Kailangang masulit ang binayad sa kanila.’’
“Wala na pong takot ang mga yan, Colonel?’’ Tanong ni Krema.
“Wala na. Balewala na ang pagpatay sa mga ‘yan. Parang pumapatay lamang ng manok.’’
“May nakaengkuwentro ka nang riding-in-tandem Sir?’’
“Hindi riding-in-tandem. Hired killer talaga. Bago pa lang ako sa serbisyo nun. Bagong graduate pa lang ako sa PNPA. Tinarbaho kong mahuli talaga. Nahuli ko sa Mindoro. Hindi niya alam, tagaroon ako kaya maraming kontak. Nagtago sa isang barangay. Sa bukid na walang gaanong tao. Hindi siya umubra sa akin kahit nagtago sa butas na gawaan ng uling. Naigapos ko siya nang nag-iisa. Sabi niya, nagawa niyang pumatay dahil na rin mga nangyari sa kanyang buhay. Ginahasa ang asawa niya kaya mula noon parang naging laruan sa kanya ang pagpatay. Hanggang sa maging hired killer siya. Five thousand pesos lang daw ay okey na sa kanya para magtumba. Hanggang sa maging P10,000 at nagkasunud-sunod na ang kanyang pagtatrabaho. Hindi siya mahuli-huli dahil malinis siyang gumawa. Isa pa, magaling siyang magtago. Habambuhay ang hatol sa kanya. Pero nabalitaan ko, napatay din siya sa loob….’’
“Sir, stop light na po,’’ sabi ng driver na si Sarge.
“Sige ako nang bahala sa riding-in-tandem na ‘yan!’’
Binunot ni Colonel ang kanyang kuwarenta’y singko.
(Itutuloy)