BAGO nakilalang mahusay na storyteller, si Aesop, ay nagtrabaho muna bilang information officer ng Athens, Greece. Araw-araw ay may mga taong dumadaan sa kanyang opisina upang magtanong tungkol sa Athens. Nais nilang kilalanin muna ang lugar bago sila dito manirahan o magbakasyon.
Isang araw ay may isang lalaking dayo na nagtanong kay Aesop. “Ano bang klaseng tao ang mga taga-Athens?”
“Bago kita sagutin, sabihin mo muna kung taga-saan ka at anong klaseng mga tao ang naninirahan sa lugar mo?”
“Mula ako sa bayan ng Argos kung saan ang mga residente roon ay mga sinungaling, magnanakaw, palaaway at lasenggo.”
“Nakakalungkot naman, ganoon din ang ugali ng mga taga-Athens, walang pagkakaiba sa mga taga-Argos.”
Umalis ang lalaking dayo at nawalan na ng ganang pumunta sa Athens. Ilang araw ang lumipas at may isa na namang bisita ang nagtanong kay Aesop kung anong klaseng tao ang mga taga-Athens.
“Bago kita sagutin, sabihin mo muna kung taga-saan ka at anong klaseng mga tao ang naninirahan sa lugar mo?”
“Taga-Argos ako. Mabait, magalang at masipag maghanapbuhay ang mga tao sa aming lugar.”
“Nakakatuwang sabihin sa iyo na ganoon din ang ugali ng mga tao dito sa Athens.”
Ang dalawang tao na nagtanong kay Aesop ay parehong taga-Argos pero may magkaibang opinyon tungkol sa kanilang kababayan. Sa ganitong punto, pinatutunayan lang na ang ikinagaganda o ikinapapangit ng mundo ay nakasalalay sa ating saloobin.
The only difference between a good day and a bad day is your attitude. --Dennis S. Brown