Nanay vs. Madam
NAIINSULTO ako kapag tinatawag akong Nanay. Nanunukat kasi ng edad ang pagtawag ng ganoon. Sa aking pananaw, mga babaeng nasa 65 pataas lang ang dapat tawaging Nanay. Mara-ming taon pa ang bubunuin ko bago ako tumapak sa ganoong edad. Parang ang feeling ko, hukluban na ang tingin sa akin kaya tinatawag akong Nanay.
Noong isang araw, nagkaroon sa aming lugar ng Tokhang Part 2 ang grupo ng PNP. Pinagsamang Visayan word na toktok (katok) at hangyo (makiusap). Kakatukin ang mga bahay at pakikiusapan ang mga residente na umamin kung sino ang mga adik na puwede nilang ipagamot sa rehabilitation center. Kaya pala habang ako ay naliligo, narinig ko ang sabay-sabay na batukan ng mga aso. Nangyayari lang iyon kung may grupo ng mga taong nagbabahay-bahay sa aming kalye. Maya-maya ay may nagtao po sa aming bahay. Ang lakas ng boses. Parang sisiguruhin nilang may lalabas na tao sa kanilang pag-tao po.
Nakapilipit pa sa ulo ko ang tuwalya nang tumugon ako. Mga unipormadong pulis ang bumungad sa akin.
Ano yun ?
NANAY nagsasagawa po kami....
Kuha ko na agad na nagtotokhang sila kahit hindi ko na pinakinggan pa ang kumpletong paliwanag. Mas nangibabaw ang pagkainis na naramdaman ko sa pagkakatawag sa akin ng NANAY.
Ano ba ? Huwag mo nga akong tawagin ng Nanay. Bata pa ako!
Natigilan ang unipormadong pulis. Hindi siguro inaasahan na may taong nagagalit kapag tinawag siyang Nanay.
E, sorry po Mam. Mag-iinterbyu lang po kami.
Sa loob-loob ko lang, aba…marunong ka palang tumawag ng Mam, bakit hindi mo yan ginamit sa una pa lang?
Tinawag ko ang aking anak. Mas mainam na siya ang humarap sa interbyu. Lumabas ang aking anak at kinausap ang mga pulis sa labas ng aming gate.
Sinabi ng aking anak ang kanyang pangalan. Hiningi niya ang ID ng nag-iinterbyu. School ID ang ibinigay. Hindi pa pala graduate. Nagte-training pa lang maging pulis pero kung maka-tao po, akala mo high ranking police officer.
Estudyante ka lang pala. Sino ba talaga ang pulis na kasama ninyo?
Tinawag ang police officer na kasama. Magalang naman. Nagpakilala at sinabi kung saan istasyon siya naka-assign. Siya na mismo kumausap sa aking anak at nagpaliwanag tungkol sa kanilang ginagawa. Wala namang tinanong kundi mga pangalan ng taong nakatira sa aming bahay. Kaya sa isip ko, paano nila malalaman kung sino ang mga adik sa pagtatanong lang ng mga pangalan. Ni hindi nila inalam kung anong edad ng mga pangalang inilista nila.
Balik ulit tayo sa pagtawag ng Nanay. Naalaala ko ang mga tricycle driver sa probinsiyang pinuntahan ko minsan. Buti pa ang mga iyon, lumalagutok na MADAM ang tawag sa lahat ng adult female nilang pasahero. Sosyal tumawag. Nakakaaliw. Hindi ka makakadama na sinusukat ang iyong edad.
- Latest