Balyenang nailigtas mula sa lambat, nag-‘thank you’ sa kanyang rescuers
NAANTIG ang puso ng isang grupo ng diving instructors mula China nang animo’y pasalamatan sila ng balyena na kanilang iniligtas mula sa pagkakapulupot nito sa isang lambat.
Masyadong napalapit ang paglangoy ng balyena sa baybayin ng Guangdong Province kaya nahuli ito ng isang ma-laking lambat.
Nagpumiglas ang balyena sa pagpupumilit nitong makaalpas kaya mas lalong pumulupot ang lambat sa ulo at sa mga palikpik nito.
Mabuti na lamang at may tatlong diving coaches na nagmabuting loob at pinuntahan ang kinaroroonan ng balyena upang tulungan ito.
Pinutol nila ang nagkabuhol-buhol na lambat na nakapulupot sa katawan ng balyena kaya sa wakas ay malaya na muli itong lumangoy.
Papaalis na sana ang mga rescuers nang mapansin nilang hindi pa lumalangoy palayo ang balyena.
Kitang-kita sa naging viral na video ang panananatili ng balyena malapit sa bangka ng mga diving instructors at ang pagpapasirit pa nito ng tubig na animo’y paraan ng balyena upang ipahiwatig ang pagpapasalamat nito.
May nagkomento naman sa social media na maaring gulantang pa rin ang balyena dahil sa pagkakalambat sa kanya kaya hindi ito kaagad nakalangoy palayo.
- Latest