Krema (122)
HINDI nasindak si Lex sa mga sinabi ni Paulo. Mabilis na sinunggaban at dinampot ang arnis na nasa kariton at hinarap ang mga tauhan ni Paulo. Nasa lima ang mga tauhan ni Paulo na pinagsalikupan siya. Alam ni Lex na may mga baril ang mga ito kaya kailangang maging mabilis ang kanyang kilos. Hindi siya magpapatalo sa mga ito. Ibubuhos na niya ang lakas.
“Sige upakan n’yo na yan! Pagkatapos ay ilibing n’yo!’’ sabi ni Paulo sa kanyang mga tauhan.
“Hindi ko kayo uuru-ngan!” sabi ni Lex at sinugod ang mga tauhan ni Paulo. Matitinding palo ang ibinigay niya. Sapol sa mukha ang unang tinamaan. Napaluhod ito sapagkat hindi na nakakita sa tindi ng tama.
Sapol naman sa ulo ang isa pa. Bagsak din.
Pero dahil marami ang kalaban, hindi nagawa ni Lex na patamaan ang iba pa sapagkat dinumog na siya ng dalawang malaki ang katawan. Binaliti siya. Halos pagbuhulin ang kanyang mga braso sa higpit ng baliti. Hanggang sa mabitawan niya ang arnis. Parang mapuputol ang kanyang braso sa higpit nang pagkakahawak ng dalawa.
Pagkatapos ay malalakas na suntok at sipa ang ibinigay sa kanya ni Paulo. Isa pang sipa sa mukha at bumagsak siya.
“Nakaganti rin ako sa’yo hayop ka!” sabi at binigwasan uli si Lex. Duguan na ang mukha nito.
“Ano Sir Paulo, tuluyan na natin ito,” sabi ng isa sa mga bumaliti.
“Huwag muna! Pagnaituro na ang maletang may bushab saka natin tuluyan at ilibing dito. Huwag kayong magmadali.’’
Nang biglang sumigaw si Dang na nakatali pa rin sa kariton.
“Paulo, pakawalan mo ako rito. Gaganti ako sa baklang ‘yan!”
Pero tiningnan lang siya ni Paulo.
“Paulo, pakawalan mo ako!”
“Mamaya na kapag sinabi nitong lover boy mo ang maleta.’’
“Tarantado ka Paulo!”
“Tumigil ka sa kakakatsang mo at baka ilibing din kita nang buhay!”
(Itutuloy)
- Latest