Bitay sa gov’t official na may kasong plunder
Masyadong garapal ang ilang mga mambabatas dahil gustong alisin ang kasong plunder sa panukalang batas sa panunumbalik sa parusang kamatayan.
Sa halip na alisin ay dapat nga na patawan ng parusang kamatayan ang mga nagnanakaw sa kaban ng bayan.
Muling napatunayan na naman ng ilang kongresista na nagsusulong ang mga ito ng panukalang batas para sa kanilang pansariling interes.
Ayon kay House committee on justice chairman Rey Umali, ang mga magnanakaw sa gobyerno ay maari pa raw magbago samantalang ang mga mamamatay tao ay hindi.
Dapat malaman ng mga mambabatas na parang mamamatay tao na rin ang mga magnanakaw na pulitiko at iba pang opisyal ng gobyerno dahil maraming Pilipino ang namamatay sa gutom.
Bukod dito, marami ring Pilipino ang namamatay sa sakit dahil sa napagkaitan ng serbisyong pangkalusugan gobyerno at iba pang basic services.
Sa halip na tanggalin sa panukalang death penalty. isama ang pandarambong at amendahan pa ang plunder law upang maubos ang mga magnanakaw sa gobyerno.
Dapat nga ay ibaba ang P50 million na threshold sa P1 million lang upang agad na makasuhan ng plunder na walang piyansa at kung mahahatulan na guilty ay agad na bitayin upang hindi na pamarisan ng iba.
Sa kasalukuyang plunder law, kapag nakapag nakaw ng P50 milyon ang opisyal o kawani ng pamahalaan ay papasok sa kasong plunder na masyadong napakataas ng halaga.
Kung aabot lang sa P1 milyon ang batayan ng kasong plunder ay malamang maubos ang mga magnanakaw sa gobyerno at asahan na magiging matagumpay ang kampanya laban sa katiwalian sa pamahalaan.
- Latest