PUPUKAWIN lang ng Kilos Pronto ang mga nakaupo sa Sariaya, Quezon. Pukaw na mo!
Kung yung mga dating nasa puwesto natulog lang sa pansitan at nagpalaki lang ng mga tiyan, sana sa mga bagong nakaupo may mangyari na.
Kung hindi pa nakaabot sa KP malamang hindi pa mapapansin at mabibigyan ng atensyon ang mga pobreng residente.
Magdadalawang dekada na pala nilang problema ang kanilang mga kalsada sa barangay Pili, Morong at Antipolo.
Sa halip na maging maalwan ang kanilang buhay dahil mayroon silang daanan, kalbaryo pa ang dulot sa kanila.
Pahirapan makadaan dahil malalalim ang lubak. Kaya pagdating ng tag-ulan ang mga estudyante pahirapan din papunta sa eskwelahan.
Marami na raw pulitiko ang nangako sa mga residente na gagawin ang kanilang kalsada. Pero namuti na ang kanilang mga mata, wala pa ring nasisimulan. Tsk…tsk!
Pati mga pulis pumiyok na rin. Hirap din sila sa pagresponde sa lugar kapag may tumawag sa kanilang istasyon.
Naipalabas na namin ito noong Miyerkules sa Kilos Pronto. Nangako ang administrador ng munisipyo, may nakalaan na raw na pondo sa mga inirereklamong kalsada.
Tututukan ng Kilos Pronto ang pangako nilang ito para siguradong hindi na mapako.
* * *
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV. Para sa iba pang mga palabas, mag-subscribe sa BITAG OFFICIAL YouTube channel.