NOONG bata pa ako, ang bestfriend ko ay may kapatid na lalaking bingot. Malala ang kanyang pagkabingot kaya nahihirapan akong intindihin ang kanyang sinasabi. Pero mabait ang kanyang ate na kaibigan ko dahil lagi niyang ini-interpret ang sinasabi ng kanyang bunsong kapatid. Sa katagalan, naging expert na ako sa pag-intindi sa kanyang mga sinasabi.
Ewan ko kung sinasadya ng pagkakataon, noong high school ay gumanap akong ngongo sa isang play. Nanalo akong Best Actress dahil sa role na iyon. Nakatulong din siguro ang pag-i-interact ko sa kapatid na ngongo ng aking bestfriend.
Nahasa akong muli na makipag-usap sa ngongo noong naghahatid-sundo ako sa school ng aking mga anak. Ang babaeng bingot ay tiyahin ng isang schoolmate ng aking mga anak. Taga-hatid din siya at taga-sundo ng kanyang mga pamangkin. Lagi kaming naaabutan ng aking mga anak na nagkukuwentuhan. Titingin-tingin lang sila sa akin habang ako ay nakikipagkuwentuhan. Minsan, hindi nakatiis at ako ay tinanong ng aking panganay:
“Mommy, naiintindihan mo siya?”
“Minsan naiintindihan ko, pero kapag hindi, pinapaulit ko ang sinabi niya.”
“Parang ikaw lang lagi ang nakikipag-usap sa kanya. Parang ‘yung ibang Mommy, hindi siya pinapansin.”
“Ang masarap na kaibiganin ay yung walang pumapansin”
Tumango-tango lang ang aking anak.
Isang kamag-anak na bingot ang kinuha naming ninong sa binyag ng aking bunso. Minsan ay nagkita kami ng ninong na ito sa wedding party ng kamag-anak. First time na makita ng aking bunso ang kanyang ninong na may isip na siya. Limang taon siya noon. Madaldal at bibo noon ang aking bunso. Masaya siyang nakikipag-usap sa kanyang ninong. Hindi humihiwalay ang aking tingin sa dalawa. Nag-aalala ako na baka pansinin ng aking anak ang pagsasalita ng kanyang ninong at kung ano ang masabi na hindi maganda. Nakakahiya!
Buti na lang, natapos ang kuwentuhan ng magninong na masaya sila pareho. At walang unethical na pangyayaring naganap. Nang nasa bahay na kami tinanong ko ang aking bunso:
“Anak may napansin ka sa pagsasalita ng Ninong mo ?”
Tumango saka nagsalita, “Kagaya niyang magsalita ang babaeng ngongo na lagi mong kausap sa school”
“Mabuti na lang at hindi mo pinuna ang pagsasalita niya”
“Bad mamintas sabi po ni Teacher.”
“Mukhang enjoy na enjoy kang kausap ang ninong mo”
“Kasi walang nakikipag-usap sa kanya. Kawawa naman”
Napangiti lang ako.
“A good example is the best sermon”—Benjamin Franklin