MALIWANAG na leksyon ang napulot natin sa nangyayari sa Senado at Kongreso hinggil sa mga pagdinig na may kinalaman sa talamak na bisyo sa droga at korapsyon bunga nito’y ang talamak na imoralidad mula sa salapi ng diyablo. Naging komedya na napako sa sexcapade ni Ronnie Dayan at Sen. Leila de Lima at nalihis sa isyu ng payola ng iligal na droga na nagsasabit sa maraming miyembro ng PNP at mga politiko.
Ano ba ang bago sa balitang korapsyon at kaimoralan sa mga opisyal ng bayan? Idagdag pa yung nagmumula sa payola ng bawal na droga. Hindi pa nga natatapos ang usapin sa kuwestiyunableng DAP-PDAF na iligal daw na ginastos ng nakaraang administrasyon at ang DSWD funds na naghimala! Kumusta na ba Tita Conchita?
Nakakapangilabot ang balitang mahigit 5,000 diumano ang nasa listahan ni Pres. Rodrigo Duterte ang sangkot sa negosyong bawal na droga na kinabibilangan ng barangay captains, mayor, governor, police/military officials, fiscals, senador at posibleng meron ding huwes at congressman. Maraming “kerida “ ang kinakabahan dito. Sigurado yan!
Nagpahiwatig na si President Duterte sa kinakailangang suporta upang suspendehin ang writ of habeas corpus o ang pagpapatupad ng warrantless arrest sa pagsugpo sa sindikato ng droga at malalang korapsyon sa bansa. Ang problema, papasa naman kaya ito sa Kongreso? At saan ikukulong ang 5,000 na maaaresto kung sakali?
Nanggugulo ang Maute group na miyembro raw ng ISIS sa Mindanao at marami na ang namamatay at sugatan sa pagitan nila at ng AFP sa mga nakaraang araw at nakarating na rin sa Maynila (US Embassy) ang banta ng kanilang terorismo. Hindi kaya korporasyon ito ng mga terorista?
Sinibak ni Erap ang lahat nang traffic enforcers sa Maynila dahil sa kotong na dapat daw ay tularan na rin ng ibang mga mayor. Kailan kaya sisibakin ang mga kotong sa LTO, LTFRB at MMDA?
BAKAS sa UNTv Radio La Verdad 1350 KHz AM Band tuwing Sabado 5:00-7:00 p.m. www.untvradio.com/ph