Taunang handa para sa mga unggoy, idinaos sa Thailand

NAGPISTA ang mga unggoy sa isang bayan sa Thailand matapos idaos kamakailan lang ang taunang handa na ginagawa ng mga residente roon para sa mga unggoy sa kanilang lugar.

Nito lamang Linggo ay naghain ng 5-star na handa ang mga taga-Lop Buri para sa daan-daang Macaque monkeys sa kanilang lugar.

Matagal nang ginagawa ng mga taga-Lop Buri ang paghahanda para sa mga unggoy. Dekada ’80 pa lang ay naging bahagi na ito ng tradisyon sa kanilang lugar.

Ngayong taon ay iba’t ibang mga prutas ang inihandang pagkain para sa mga unggoy na hindi magkamayaw sa kanilang pag-aagawan.

Bagama’t Budismo ang pangunahing relihiyon sa Thailand, malaki pa rin ang naging impluwensya sa kanila ng Hinduismo na isang relihiyong nagbibigay ng halaga sa mga unggoy.

Ito ang dahilan kung bakit mahalaga rin para sa mga Thai at lalo na sa mga taga-Lop Buri ang pagtrato ng mabuti sa mga unggoy.

Kaya naman hindi na nakakapagtakang sanay na sanay na ang mga unggoy sa lugar sa pakikipagsalamuha sa mga tao.

Sa sobrang komportable ng mga unggoy kasama ang mga tao ay nagiging problema na ito para sa mga taga-Lop Buri dahil minsan ay nagnanakaw na ng kagamitan ang mga ito.

Show comments