NALALAGAY ngayon sa balag ng alanganin ang imahe ng Philippine Nationl Police (PNP) matapos ang pagkamatay ni Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa Sr.
Lubhang nakapagdududa ang pagkamatay ni Espinosa dahil siya ay nasa loob ng bilangguan.
Mismong si Sen. Panfilo Lacson ay duda rin at nagsabing malinaw na isang uri ng extra-judicial killings ang sinapit ni Espinosa.
Ayon kay Lacson, malabo ang kuwento ng mga pulis na lumaban ang mayor matapos isilbi ang warrant of arrest sa loob ng piitan.
Isang malaking tanong ng senador ay kung bakit mga pulis ang naghain ng warrant at kailangan pang personal na ihatid kay Mayor Espinosa na puwede namang ipabigay ito sa warden dahil nakakulong nga ang drug suspect.
Dahil dito, ihihirit ni Lacson na muling ipagpatuloy ang pagdinig ng Senate commitee on justice ni Sen. Richard Gordon tungkol sa extra-judicial killings at imbestigahan ang pagkakapatay kay Espinosa.
Dapat managot ang mga pulis na pumatay kay Espinosa dahil masyadong mababaw ang argumento na lumaban ang mayor.
Dahil dito, lalakas ang pagdududa sa iba pang lehitimong police operations. Umaabuso at lumalabag sa karapatang pantao ang PNP sa kanilang kampanya sa ilegal na droga at iba pang krimen.
Nakapanghihinayang na malaki na ang epekto ng kampanya sa ilegal na droga sa peace and order sa bansa. Malaki ang ibinawas ng bilang ng mga adik at tulak ng droga kasunod ng paglabas ng bilang ng krimen. Maaring makabangon ang PNP sa masamang imaheng ito kung mapaparusahan ang responsable sa pagpatay kay Espinosa.