IBA’T IBA na ang reaksiyon ng mga Pilipino gayundin ang mga pulitiko sa naging pahayag ni Pres. Rodrigo Duterte laban sa US.
Sa pinakahuling pahayag ng Presidente ay marami ang nagulat matapos na ihayag sa harap ng mga matataas na opisyal ng gobyernong China ang pagkalas ng Pilipinas sa ugnayang militar at ekonomiya sa US.
Sa ngayon ay makabubuting maghintay muna ang mga Pilipino kung ano ang magiging epekto nito sa sambayanan.
Hindi pa naman malinaw kung mapapahamak ba o mapapabuti ang mga Pilipino sa aksiyong ito ng Presidente.
Kung susuriing mabuti, marami rin namang usapin na masasabing dehado ang Pilipinas at hindi pantay ang trato ng US kumpara sa iba pang bansa.
Mismong ang US kasi ang nagsasabi na malalim at matatag ang relasyon sa Pilipinas pero bakit nga naman sa usapin ng pag-iisyu ng US visa ay hindi mabigyan ng espesyal na trato ang mga Pilipino.
Sa ngayon, mayroong visa waiver program ang US na kung saan ay 38 mga bansa ang hindi na kailangan ng US visa na nais na magtungo sa kanilang bansa.
Batay sa listahang ito, kabilang sa mga bansa sa Asya na walang US visa na makakapasok aa US ay ang Japan, Singapore, South Korea, Taiwan at Brunei.
Gayunman, ang nasabing isyu sa US visa ay masasabing mababaw na usapin pero tiyak na ito ay malaking isyu naman sa lahat ng Pilipino na dumadaan sa butas ng karayom upang makakuha ng US visa at makabiyahe sa US.