EDITORYAL - Huwag basta magtakwil ng kaibigan
NGAYONG linggong ito, magtutungo sa China si Pres. Rodrigo Duterte. Makikipag-usap siya kina Chinese President Xi Jinping at Premier Li Keqiang. Pag-uusapan daw kung paano mapagtitibay ang relasyon at pagkakaibigan ng dalawang bansa. Tatalakayin din daw ang isyu sa rehiyon kaugnay sa pinag-aagawang teritoryo. Maraming kasama si Duterte sa pagbisita sa China. Nasa 400 mayayamang negosyante ang makakasama ni Duterte sa pagbisita sa China. Inaasahang magkakaroon ng bunga ang pakikipagkaibigan ng Pilipinas sa China.
Pagkatapos ng pagbisita sa China ay sa Japan naman pupunta ang Presidente at saka sa Russia. Marami pang naka-schedule na pupuntahan si Duterte bago matapos ang 2016.
Ang China at Russia ang matunog na paboritong dalawin ng Presidente. Para bang sabik na sabik siyang makausap ang mga lider ng dalawang bansa. Sa kanyang mga talumpati, lagi niyang binabanggit ang dalawang bansa na ayon sa kanya ay makakatulong nang malaki sa Pilipinas.
At habang bukambibig niya ang China at Russia, inilalayo naman niya ang Pilipinas sa United States. Maraming beses na siyang nagmura at nakatikim nang hindi magandang pananalita si US Pres. Barack Obama at pati na si UN Sec. General Ban Ki-moon. Nitong huli pati ang European Union ay binanatan na rin niya.
Hinamon niya ang US, UN at EU na huwag magbigay ng tulong sa bansa. Kamakailan lang, sinabi ni Duterte na ititigil na ang US-Philippine military exercise na ginaganap taun-taon. Ang ginanap na military exercise sa Zambales noong nakaraang linggo ay last na umano. Itinanggi naman ito ng tagapagsalita ng Presidente.
Maaari namang makipagkaibigan sa ibang bansa pero huwag namang basta itakwil ang iba pa lalo pa ang US na matagal nang partner ng Pilipinas. Huwag balewalain ang tulong ng US na napatunayan sa mga nakaraan gaya ng mga pananalasa ng bagyo at iba pang kalamidad.
Mas maganda ang maraming kaibigan. Sa halip na bawasan, mas maganda kung dadagdagan pa. Kapag maraming kaibigan, maraming tutulong at mahihingian ng ayuda.
- Latest