Impeksyon sa ihi o UTI: Alam n’yo ba na…
1. Isa sa apat na mag-aaral sa public school ay may problema sa pag-ihi o may impeksyon sa ihi.
2. Ang tinatawag na Honeymoon Cystitis ay ang pagkakaroon ng impeksiyon sa ihi na nangyayari pagkatapos ng unang pagtatalik.
3. Ang simpleng UTI ay puwedeng umakyat sa kidneys at makasira nito. Puwede itong magdulot ng kidney failure na mangangailangan ng dialysis.
4. Mas madalas magkaroon ng UTI ang kababaihan dahil maikli ang daanan ng ihi nila, hindi katulad ng mga kalalakihan.
5. Uminom ng 2 basong tubig kada apat na oras para sa healthy kidneys. Mga 8 hanggang 12 baso kada araw. Pero huwag din lalampas sa 16 na baso sa isang araw.
6. Pagkatapos magtalik, piliting umihi at maglinis din ng puwerta para hindi magkaroon ng impeksiyon.
Mag-ingat dahil marami ang may sakit sa kidneys
1. Ang nephrotic syndrome ay isang sakit kung saan ang isang tao ay naglalabas ng protina ang mga kidneys ng pasyente at puwedeng magmanas ang paa at mukha.
2. Kung may sakit sa kidneys, mag-ingat sa high-protein diet tulad ng Southbeach at Atkin’s diet dahil ito’y magpapahirap sa trabaho ng kidneys.
3. May 10,000 Pilipino kada taon ang nangangailangan ng dialysis. Kalahati sa kanila ay walang pera para umpisahan ang dialysis.
4. Ang dialysis ay isa sa pinakamahal na gamutan. Aabot ng 3 libong piso bawat dialysis at 36,000 piso kada buwan ang gastos
5. Sa National Kidney Institute, 200 pasyente ang naghihintay ng kidney transplant. Ang kidney transplant ay nagkakahalaga ng 1.5 million pesos para sa pribadong pasyente at 500,000 pesos sa charity case.
Paano aalagaan ang kidneys?
1. Huwag araw-arawin ang pag-inom ng pain relievers dahil ito’y makasisira ng kidneys.
2. Umiwas sa mga maaalat na pagkain at sawsawan, dahil nakasasama ito sa kidneys. Bawasan ang pagkain ng toyo, patis, bagoong, alamang at tuyo.
3. Iwasan din ang pagkain ng junk foods at sitsirya na maraming vetsin.
4. Kung mahilig sa instant noodles, bawasan ang alat (seasoning) na inilalagay dito. Kalahati lang ang ilagay para hindi mahirapan ang ating kidneys.
5. Tandaan, uminom ng 8 hanggang 12 basong tubig sa maghapon para manatiling malinis ang ating katawan. Kapag healthy pa, tubig ang gusto ng ating kidneys. MD Dr. Willie T. Ong