ISANG lalaki sa Indonesia ang sinasabing pinakamatandang tao sa mundo at ayon sa isa niyang ID, 145-taong gulang na ito.
Ayon sa kanyang government-issued ID, ipinanganak si Mbah Gotho noong December 31, 1870, panahon na hindi pa naiimbento ang bumbilya.
Hindi pa nakukumpirma kung totoo nga ang nakasaad na impormasyon sa kanyang ID ngunit kung mapatutunayan ang mga ito, hindi lamang siya ang magiging pinakamatandang tao sa buong mundo, dahil siya rin ang taong tatanghalin na nagkaroon nang pinakamahabang buhay sa lahat.
Nang tanungin kung ano ang sikreto ng kanyang mahabang buhay, simple lang ang sagot ni Gotho: ang pagkakaroon nang mahabang pasensya.
Mahina na si Gotho at ayon sa kanya ay handa na siyang bawian ng buhay. Sa katunayan nga ay nagpagawa na siya ng sarili niyang lapida noon pang 1992.
Wala na ang karamihan sa kanyang mga mahal sa buhay kabilang na ang kanyang 10 kapatid, apat na naging asawa at lahat ng kanyang mga anak kaya naman hindi nakapagtatakang ang tanging hiling na lang ng 145-anyos na si Mbah Gotho ay ang sumakabilang-buhay.