HINDI dapat na maging balat sibuyas ang hanay ng media kaugnay sa mga binibitawang salita ngayon ni incoming president Rody Duterte.
Ito ay kaugnay ng pahayag ni Duterte na kaya may napapatay na mamamahayag ay dahil korap o mga tiwali.
Kung susuriing mabuti ang mga bawat kataga ni Duterte mula umpisa at hanggang matapos ay may sinasabing hindi naman nilahat ang media na tiwali mayroon din napatay dahil umabuso at nabayaran.
Sa puntong ito ay hindi dapat maging balat sibuyas ang media sa halip ay makabubuting linawin muna ito sa incoming president.
Batay sa aking pagsasaliksik, tila walang kaayusan ang mga isinasagawang press conference ni Duterte na tila walang nagmamando o nangangasiwa kaya naman masyadong maingay na parang nasa palengke.
Kailangang sumigaw ang isang reporter upang maunang makapagtanong at masagot ni Duterte.
Totoong nakakasakit ng loob ang pahayag na ito ni Duterte pero makabubuting hindi tayo maging balat sibuyas dahil totoong mayroon din namang mamamahayag na sangkot sa katiwalian.
Pero kailangang tanggapin ito sa positibong aspeto ng media at magtulong-tulong ang lahat para sugpuin ang korapsiyon sa media at lalo na sa gobyerno.
Naniniwala tayo na hindi naman intensiyon ni Duterte na manakit sa damdamin ng media subalit maaring hindi sanay ang mga mamamahayag sa isang presidente na matalas ang dila at deretsahan o masakit at walang preno magsalita.
Wait and see muna tayo sa mga diskarte ng papasok na administrasyon at kung ito ay sasablay sa mga pangako sa taumbayan ay magsama-sama tayong babatikos dito bilang mga mamamahayag na ang interes o karapatan ng publiko ang isinusulong.