HINDI dapat maantala ang gagawing canvassing o pagbibilang ng boto sa nakalipas na eleksiyon kung sino ang nanalong presidente at bise presidente.
Ngayong araw na ito ay inaasahang magsisimula na ang pormal na pagbibilang ng Kongreso sa mga boto upang tuluyan nang maiproklama ang nanalong presidente at bise presidente.
Batay sa naunang unofficial na pagbibilang, walang kuwestiyon na ang nanalong presidente ay si Davao City mayor Rody Duterte samantalang may lumabas na mga isyu naman sa pagka-bise presidente sa posibleng dayaan.
Hindi dapat na balewalain ang usaping ito na posibleng dayaan kung kaya dapat na imbestigahan ito sa lalong madaling panahon.
Tila sablay naman si Sen. Bam Aquino sa kanyang pahayag na dapat ay maglabas daw ng ebidensiya ang kampo ni Sen. Bongbong Marcos sa alegasyon ng dayaan.
Bilang senador, dapat mismong si Aquino ang maghikayat nang mabilisang imbestigasyon upang mawala ang anumang duda sa kredebilidad ng resulta ng eleksiyon.
Kawawa naman si Rep. Lenie Robredo dahil kahit pa siya ay maiproklamang nanalong bise presidente ay malalagay pa rin sa kasaysayan ng bansa na may bahid pagdududa sa pagkapanalo dahil sa alegasyon ng umano’y dayaan sa eleksiyon.
Marami ang naniniwala na inosente si Robredo sa mga posibleng dayaan kaya naman ang hinala rito ay ang ginagawang pagkilos mismo ng Liberal Party upang matiyak na hindi makakabalik sa kapangyarihan ang mga Marcos ayon na rin mismo sa lantarang kagustuhan ni Pres. Noynoy Aquino.
Kung nais ni Robredo na mawala ang bahid ng posibleng pandaraya sa eleksiyon, makakabuting siya mismo ay kumilos din upang matiyak na walang nangyaring dayaan matapos na baguhin ng isang Smartmatic official ang script ng transparency server.
Habambuhay na magiging tatak na ni Robredo na nanalo sa pandaraya kung hindi agad mareresolba ang mga alegasyon bago maiproklama sa nanalong presidente at bise presidente.