Lalaking naputulan ng 9 na daliri at walang mga binti, pinakamagaling na bicycle repairman sa China
DAHIL sa isang freak accident ay nawalan ng siyam na mga daliri at naputulan ng dalawang binti si Yue Jin. Ang akala niya noong una ay wala nang patutunguhan ang kanyang buhay ngunit nakahanap siya ng lakas ng loob na magsimula muli at ngayon ay siya na ang kinikilalang pinakamagaling na bicycle repairman sa China.
Nabawasan ng mga daliri at nawalan ng mga binti si Yue Jin nang mahulog siya sa isang bangin noong 1993. Sa tindi ng kanyang tinamong mga pinsala ay kinailangang putulin ng mga doktor ang halos lahat ng kanyang mga daliri at ang pareho niyang binti.
Noong una, pinili niyang mamalimos upang may maipa-kain sa kanyang asawa na bagong panganak lang noon sa isang sanggol na babae ngunit hindi niya kayang magmakaawa habambuhay. Kaya naisip niyang gastusin ang ipon na 700 yuan upang bumili ng mga gamit para sa pagkukumpuni ng bisikleta.
Noong una, nahirapan siya sa paghawak sa mga gamit ngunit nang lumaon ay nasanay na rin kahit isang daliri lang ang meron siya. Naging mahusay siya sa pag-repair ng bisekleta. Hanggang magkaroon siya ng sariling bicycle shop at kumikita nang sapat para sa pang-araw araw nilang pangangailangan.
Lumipas pa ang mga taon. Nag-asawa na ang kanyang anak na babae at gusto sana siyang kupkupin nito ngunit tinanggihan niya ito dahil mas gusto niyang magtrabaho sa kanyang bicycle shop.
Namangha ang netizens sa China sa kuwento ni Yue Jin na kanilang hinangaan dahil sa kanyang determinasyon. Kaya naman “strong brother” na ang bansag kay Yue Jin ng milyong-milyong Chinese na nakabasa ng kuwento niya sa Internet.
- Latest