ANG unang tiyahin ay may inuupahang apartment sa Maynila. Pinatira niya nang libre ang mga pamangking taga-probinsiya sa loob ng dalawang taon. Bilang ganti ng mga pamangkin sa libreng board and lodging, tumutulong ang mga ito sa gawaing bahay kahit may totoong katulong na binabayaran ito. Kung tutuusin, mas marami pang ginagawa ang mga pamangkin kaysa katulong. Ang tiyang ito ay may ka-live in na pasimpleng may ginagawang kasamaang ugali laban sa mga pamangkin. Alam ng tiyahin ang ginagawang pagdadamot sa pagkain ng kanyang karelasyon sa kanyang mga pamangkin pero dedma lang ito. Nang magsumbong ang mga pamangkin, isa lang ang sinabi ng tiyahin, umalis kayo kung hindi makatagal sa ugali ng kanyang karelasyon na isa rin palamon. Ganoon lang kasimple ang kanyang batas. Hindi nagtagal at naghiwalay silang lahat. Nagkanya-kanya nang boarding house ang mga pamangkin.
Ang ikalawang tiyahing may bahay sa Maynila ay may pamilya pero hindi siya nagdalawang isip na magpatira ng mga pamangking taga-probinsiya. Maayos ang takbo ng kanilang buhay dahil magaling din makisama ang mga pamangkin. Tumagal ang kanilang pagsasama ng mahigit na 5 taon. Ang tiya pa ang nalungkot nang umalis sa kanyang poder ang mga pamangkin dahil nakakuha na ang mga ito ng sariling bahay.
Sa kasalukuyan ang unang tiyahin ay hindi maganda ang relasyon sa kanyang mga pamangking pinatira nang libre. Nakukulangan kasi siya sa perang ibinibigay sa kanya ng mga pamangkin. May masama siyang sinasabi laban sa mga pamangkin dahil dito. Sa dalawang taon pagpapatira nang libre, kung “mambaoy” ang tiyahin na ito ay parang siya ang nagpaaral sa mga pamangkin.
Ang ikalawang tiyahin ay hahangaan mo. Hindi niya ugaling “mambaoy” ng kanyang naitulong sa mga pamangkin. Kung abutan siya ng pera, nagpapasalamat siya. Kung wala, walang problema. Para sa tiyahin, kung ano ang naitulong niya sa mga pamangkin, iyon ay nakaraan na at hindi na dapat alalahanin pa.
“Forget yesterday--it has already forgotten you. Don’t sweat tomorrow--you haven’t even met. Instead, open your eyes and your heart to a truly precious gift--today.” --Steve Maraboli