ISANG lalaki mula sa India ang nagawang bilhin ang sikat na website na google.com sa halagang $12.
Nagawa ito ni Sanmay Ved nang minsang mag-search siya sa Google Domains, isang website na pagma-may-ari ng Google na naglilista ng mga puwedeng mabili na web address para sa mga gustong magtayo ng sarili nilang website. Laking gulat ni Ved nang makita niyang nasa listahan ang google.com kaya naman hindi siya nagdalawang isip na bilhin ito sa halagang $12 o katumbas lang ng 570 pesos.
Agad namang nalaman ng Google ang computer bug o ang mali sa kanilang sistema kaya agad ring na-cancel ang naging bentahan ng google.com.
Dahil dito ay naging sikat si Ved dahil masasabi pa ring naging may-ari siya ng isang multi-billion dollar website ng ilang minuto.
Kinilala rin siya ng Google sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanya ng pabuya bilang kapalit sa pagkakadiskubre ng computer bug na nagbigay sa kanya ng pagkakataong mabili ang isa sa pinakamahal na website sa mundo. Binigyan si Ved ng $6,006.13. Pinili ng kompanya ang halagang 6006.13 bilang pabuya dahil mapapansing kahawig ng mga numero nito ang mga letra sa spelling ng ‘GOOGLE.’
Hindi naman ibinulsa ni Ved ang salaping natanggap niya mula sa Google at sa halip ay ibinigay na lang niya itong donasyon sa isang charity. Nang malaman ng Google ang pagkakawang-gawa ni Ved, dinoble nila ang pabuyang ibinigay dito.