Tinaguriang ‘Iron Man’ ng Indonesia, gumawa ng robotic arm para sa paralisadong braso
TINAGURIANG ‘Indonesia’s Iron Man’ si Wayan Sutawan matapos niyang gawan ang kanyang braso ng isang mala-robot na gadget upang magamit niya uli ito matapos siyang ma-stroke.
Na-stroke si Wayan ilang buwan na ang nakakaraan na naging sanhi ng pagiging paralisado ng kanyang kanang braso. Dahil marunong siya ng kaunti sa mechanical engineering ay gumawa siya ng isang robotic arm mula sa mga materyales na nakakalat sa kanyang talyer. Nagagawa niyang kontrolin ang robotic na braso sa pamamagitan ng isang headband na ayon sa kanya ay binabasa ang kanyang utak.
May mga hindi naman naniniwala sa kakayahan ng robotic na braso ni Wayan lalo na’t kakailanganin ng mga high-tech na computer para makagawa ng isang totoong robotic na braso. Ang hinala ng ilan ay nakakatulong lamang ang imbensiyon ni Wayan sa pagpapalakas ng kanyang naparalisang braso kaya nagagawa na niyang gamitin ulit ito.
Totoo mang robotic na braso ito o hindi, hindi makakailang nakatulong kay Wayan ang kanyang imbensiyon dahil ngayon ay nakakapagtrabaho na siya uli bilang welder. Bago kasi niya ito naimbento ay wala siyang kita dahil sa kanyang pagiging baldado pero ngayon ay nagagawa na niya muling suportahan ang kanyang asawa at tatlong anak.
- Latest