‘Tulo-laway sa recall’

ITO na ang panahon ng pangungundisyon sa utak ng publiko.

 Ang mga trapo, kanya-kanya nang lunsad ng proyekto at programa sa kani-kanilang balwarte.

 Lahat gustong mapansin at magpapansin. Pero hindi sila kulang sa pansin bagkus dupang lang talaga sa pansin.

 Sa matinding desperasyon na hindi mawala ang kanilang pangalan sa isipan ng tao (sayang nga naman ang boto) lahat ng kaepalan, papatulan.

 Kung dati mga low-profile na halos hindi makitang lumalabas sa kanilang lugar, aba’y ngayon kuntodo bilad sa araw.

 Hindi pa makuntento, sige pa ng sabit ng mga malalaking basu-rang tarpaulin sa lansangan. Gusto laging nakabalandra ang kanilang mga namamaga nang mukha.

 Ang mga proyektong dapat noon pa sinimulan ngayon palang naglulutangan. Uring taktika kung saan sadya talagang pilit inihahabol sa eleksyon para mag-iwan ng recall.

 Bulok at gasgas nang estratehiya ito ng mga ganid, swapang, gahaman at dupang na mga pulitiko.  

 Madali lang makilala at maispatan ang mga G.S.G.D na mga “basahang pulitiko.”

 Ilan sa mga palatandaan, sila ‘yung mga naghahabol ng mga accomplishment. Aakuin ang mga proyekto at pilit ikokondisyon ang utak ng kanilang mga constituent.

 Sa halip na hikayatin pang magbayad ng buwis ang mga tao para marami pang magawang programa at proyekto sa kanilang lugar, ang gagawin nila, magbubuhat ng sariling bangko.

 Hinding-hindi sila magpapasalamat sa mga tao bagkus ang kanilang boladas, puro puri sa sarili. 

Kung hindi daw dahil sa kanila hindi magagawa ang proyekto. Pilit nilang palalabasin na sila ang dahilan kung bakit ito naisakatuparan.

 Hindi na ito bago.

 Pansinin ang mga graffiti sa lansangan. Andyan ang “courtesy of Mayor Ganid… Thru the best efforts of Governor Dupang o gahaman at swapang o mga pulitiko mapa-nasyunal man o lokal.

 Ngayon kilala mo na?

 Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV. Para sa digital streaming, mag-log on sa bitagtheoriginal.com.  

 

 

 

Show comments