Tuluyan na uling isinara ng Senado ang kanilang im-bestigasyon patungkol sa insidente sa Mamasapano.
Ito’y matapos na muling buksan ang pagdinig dito noong nakaraang Miyerkules.
Ayon kay Sen. Grace Poe na siyang namuno sa pagdinig walang maibaba o babaguhin sa unang report ng kanilang komite.
Ang muling pagtatanong kamakalawa ay para bigyan lamang ng pagkakataon si Sen. Juan Ponce Enrile na magtanong dahil wala ito noong isagawa ang mga unang pagdinig.
Eh di sana ay si Sen. Enrile na lamang ang kanilang pinagtanong para hindi na humaba pa ang usapan na nag-ulit na naman sa mga masasakit na pangyayari sa mga mahal sa buhay ng nasawing SAF 44.
Sa ginanap na pagdinig, aba’y hindi na rin bago ang pagsisisihan ng AFP at sa panig ng PNP partikular si dating SAF director Getulio Napeñas.
Mistulang nag-iisang nagtatanggol sa operasyon si Gen. Napeñas, pero naidedepensa niya ito.
Sa panig naman ng AFP, ang madalas na marinig eh ang umano’y kapalpakan sa pagpaplano ng operasyon sa kabila na may isyu tungkol sa hindi naibigay na reinforcement sa mga naiipit na SAF troppers.
Sa muling pagbubukas sa imbestigasyon ng Senado, bukang bibig na ng marami na sana daw ay huwag magamit ang Mamasapano sa pamumulitika lalo na nga at nalalapit na ang eleksyon.
Kahit hindi sa isyu ng Mamasapano, kahit maliit na usapin, pansin ang pagsakay ng maraming politiko.
Pero katwiran naman ng iba, eh ano kung gamitin sa pamumulitika basta nga naman lumabas ang katotohanan sa insidente.
Basta maisiwalat ang lahat nang walang kinikilingan para na rin sa hustisyang hinahangad lalo na ng mga kaanak ng nasawing SAF.