SA librong Why Some Positive Thinkers Get Powerful Results, sinabi ng author na si Norman Vincent Peale na ang numero unong sangkap upang magtagumpay ay pagkakaroon ng positibong pananaw. Pangalawa lang sa importansiya ang kaalaman, edukasyon, training, karanasan at pera.
Isang hindi kilalang grupo ng mang-aawit ang nag-aplay sa isang recording company. Tinanggihan sila ng kompanya. Bukod sa hindi nagustuhan ang kanilang style sa pagkanta ay pinintasan pa ang kanilang paggamit ng gitara. Laos na raw ang paggigitara.
Sa kabila ng pamimintas, nagpatuloy pa rin ang grupo sa paghahanap ng recording company na magtitiwala sa kanila. Alam nila, magaling sila. Hanggang isang araw, ang grupong ito ay kinilala sa buong mundo. Sila ang The Beatles na sumikat noong kalagitnaan ng 1960’s. Hindi lang kanilang kanta ang sumikat, pati ang kanilang hairstyle ay ginaya ng mga kabataang lalaki.
Ang nobelang Gone With The Wind ni Margaret Mitchell ay ni-reject ng 38 publishers pero nagpatuloy pa rin ang author na ialok ito sa mga publishing companies. Umaasa siyang bago makarating sa 100 ang bilang ng rejections ay may makakagusto rin sa kanyang nobela. Sa ika-39th publishing company na inalok, ito ay nagustuhan at agad inilathala noong 1936. Ang Gone With The Wind ay naging top American fiction bestseller mula 1936 hanggang 1937.
Every thought we think is creating our future. — Louise Hay