ISANG lalaki sa Paris ang bumili ng isang larawan ng patatas sa halagang 1 milyong euros (katumbas ng higit sa 1 milyong dolyar o katumbas ng 68.7 milyong piso). Dahil sa nakakalula nitong presyo ay sinasabing isa ang nasabing larawan sa pinakamahal na naibenta sa kasaysayan.
Ngunit hindi na dapat masyadong mamangha ang lahat sa presyo ng larawan ng patatas dahil kuha ito ni Kevin Abosch, na sinasasabing isa sa pinakasikat na photographer ngayon sa buong mundo. Siya ang kumukuha ng litrato ng mga celebrities sa Amerika na katulad ni Steven Spielberg, Johnny Depp, at Dustin Hoffmann. Naging photographer na rin siya ng mga sikat na personalidad sa mundo ng Internet katulad ni Sheryl Sandberg na COO ng Facebook at Erik Schmidt na dating CEO ng Google.
Ipinanganak si Abosch sa Ireland, kung saan mahalagang sangkap ang patatas sa mga pagkain. Mahilig siyang kumuha ng litrato ng mga patatas dahil para sa kanya ay parang tao ang mga ito na sa unang tingin ay magkakaiba ngunit marami talaga ang pagkakapareho.
Ang larawang naipagbenta ni Abosch sa halagang higit sa $1 milyon ay may titulong Potato #345 (2010) at nakasabit ito sa kanyang studio nang ito ay makita ng isa sa kanyang mga kliyente. Nagustuhan ito ng kliyente at matapos ang dalawang linggo ay binili na niya ito sa halagang 1 milyong euros.
Malaki ang 1 milyong euros kahit sa isang sikat na photographer na katulad ni Abosch na kadalasang kumikita ng $150,000 kada photoshoot at $500,000 kada larawan.