Nagkakalimutan sa helmet law!
Bago ang lahat nais ko munang batiin ang PNP- Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa pagsapit ng kanilang ika-63 anibersaryo sa araw na ito .
Sa mahigit sa anim na dekada ay patuloy ang kanilang pagtatagumpay sa mga isinasagawang masusing imbestigasyon at masigasig na pagresolba sa mga kaso kasama na ang mga tinatawag na “cold cases” o mga halos makalimutan nang kaso. Maging ang pagtugis sa wanted sa batas sa pamamagitan ng ‘ Operation Lambat Sibat’.
Ang masinsinang paglutas sa mga krimen ay tuluy-tuloy na isinasagawa ng CIDG sa pamumuno ng ngayo’y Director na si Victor Deona mula sa kampanya ni dating CIDG Director Benjamin Magalong na ngayo’y nasa Directorate for Investigative and Detective Management (DIDM) kasama ang inyong Responde.
Muli Happy Anniversary po!
* * *
Mukhang nalilibang na naman ang ilan tungkol sa batas na may kinalaman sa pagsusuot ng helmet .
Mistulang hindi na naman ito napapansin at mahigpit na naipapatupad dahil sa nakikitang marami ang hayagang lumalabag.
Sangkaterba na talaga ang bumibiyaheng motorsiklo sa mga lansangan partikular sa Metro Manila, kaya nga sa ilang lansangang pinaglaanan na sila ng motorcycle lane.
Dahil rin dito, hindi maitatago na patuloy din sa pagtaas ang mga naitatalang aksidente sa motorsiklo, marami na rin ang nagbuwis ng buhay dito.
Pangunahing dahilan walang suot na helmet.
Ang ilan nga may helmet man, hindi naman pasado sa Phil. Standard mark o sa Import Commodity Clearance (ICC) ng Bureau of Products Standards( BPS) kaya balewalang pananggalang.
Hindi lang ang tungkol sa helmet ang madalas na dahilan ng aksidente sa motorsiklo, kundi ang sobra-sobrang angkas ng ilang matitigas ang ulo.
Madalas na masaksihan sa mga lansangan ang angkas ng rider hindi lang isa kundi dalawa at minsan tatlo pa.
Halos ang nasa huli wala nang nauupuan kundi nakayakap o nakakapit na lamang sa nasa kanyang unahan.
Kung ganito karami ang angkas, asahan nang walang helmet ang iba dyan, dahil kung lahat naka-helmet hindi na magkakasya sa espasyo ang mga suot nilang proteksyon sa ulo.
Marami talaga ang matitigas ang ulo, maging ang pag-aangkas sa bata sa motorsiklo, patuloy pa rin.
Isinasapalaran ang mga paslit na angkas sa motor, minsan hindi alam ng rider ang angkas niyang bata na nakakapit sa kanyang likuran eh natutulog na pala at kaunting galaw lang pwede nang makabitaw nang hindi namamalayan.
Sana ay mabigyan na rin ito nang pansin ng mga nag-aayos sa trapik sa mga lansangan, sana mabantayan na rin nila ang ilang pasaway na ito naman ay para na rin sa kanilang mga kapakanan.
Lahat sana ng batas sa lansangan ay mahigpit na maipatupad at huwag nang namimili lamang para na rin sa lalong kaayusan.
- Latest