EDITORYAL – Bantayan ang mga anak

MALAGIM ang nangyaring pagkamatay ng anim na kabataan noong Linggo ng madaling araw sa isang highway sa Tagaytay City. Mabilis umano ang takbo ng sinasakyang kotse habang palusong. Hanggang bumangga ito sa konkretong poste ng kuryente at isang punongkahoy. Makalipas ang ilang minuto, biglang sumabog ang kotse at nagliyab. Hindi na nakalabas sa kotse ang anim at doon na namatay. Tatlong lalaki at tatlong babae ang sakay ng kotse na pawang may edad na 15, 16 at 17. Ang nagda-drive ng kotse ay isang 17-anyos na umano’y student driver pa lamang. Pawang matatapos na sa Grade 10 ang mga biktima sa darating na Marso.
Ayon sa report, walang paalam na kinuha ng 17-anyos ang susi ng kotseng pag-aari ng ama at minaneho ito. Niyaya ang mga kaklase. Nagulat na lamang daw ang ama ng biktima nang paggising sa umaga ay wala na ang kotse sa garahe.

Ayon naman sa tiya ng isa sa mga namatay, hindi umano niya alam na wala sa kuwarto nito ang pamangkin. Tanging tsinelas umano ang nakita niya sa may pinto ng kuwarto at buong akala niya nasa loob ito at natutulog na. Ganoon na lamang ang pagkagulat niya nang mabalitaan ang nangyari na patay na ang pamangkin. Siya raw ang tumatayong guardian ng pamangkin dahil ang mga magulang nito ay nagtatrabaho sa Saudi Arabia.

Ayon sa mga nakasaksi, tumigil pa sa isang convenience store ang kotse at bumili roon at makaraan lamang ang ilang minuto ay bumangga na ito. Wala pa raw isang kilometro at kalahati ang layo ng convenience store sa pinangyarihan ng sakuna.

Isang matinding leksiyon para sa mga magulang ang nangyaring ito. Nararapat na bantayan ang mga anak na menor-de-edad. Huwag silang hihiwalayan ng tingin sapagkat sa pagkalingat maaaring may mangyari sa kanila. Lahat ay gustong subukan ng mga kabataan at sa pagnanais na masubukan iyon saka sila napapahamak. Mahalagang mapayuhan ang mga anak sa gagawing desisyon. Kung mahal ang mga anak, subaybayan sila sa lahat nang oras.

Show comments