EDITORYAL - Maging alerto sa mga terorista
NAGKAROON ng mga sunud-sunod na pambobomba sa Jakarta, Indonesia noong Huwebes at may mga namatay at grabeng nasugatan. Napatay naman ng mga pulis ang apat na hinihinalang terorista na kabilang umano sa teroristang Islamic State of Iraq and Syria (ISIS). Naganap ang unang pagpapasabog sa Starbucks café at sinundan ng lima pang pagpapasabog. Nagkalat ang bangkay sa pinangyarihan ng pagpapasabog.
Ang nangyari sa Indonesia ay maaaring mangyari sa bansa kung hindi magiging alerto ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP). Itinatanggi naman ng AFP na nakapasok na sa bansa ang teroristang ISIS. Kahapon, napabalita na isang pinuno ng Abu Sayyaf ang bagong lider daw ng ISIS sa Pilipinas.
Hindi dapat maging kampante ang mga awtoridad. Kung may katotohanan na nasa bansa na ang ISIS hindi ito dapat ipagwalambahala. Ngayon pa lamang umpisahan nang hanapin ang mga sinasabing tero-rista at durugin. Huwag nang hayaang magsabog ng lagim ang mga walang kaluluwa.
Naranasan na ng bansa ang bangis ng terorismo nang magkaroon ng sunud-sunod na pambobomba sa bansa noong Disyembre 30, 2000 na ikinamatay ng 17 katao at ikinasugat ng 100 iba pa. Pinakaraming namatay sa Light Rail Transit (LRT) habang nasa Blumentritt Station. Ang teroristang Jemaah Islamiyah ang nasa likod ng pambobomba. Marami pang pambobombang nangyari sa bansa na ikinamatay nang marami.
Huwag bigyan ng pagkakataon ang ISIS na nagsabog na rin ng lagim sa Paris, France noong Nobyembre 18, 2015 kung saan 130 katao ang namatay.
Naghihintay lamang ng pagkakataon ang mga terorista at saka sasalakay. Maging alerto ang lahat. Maging mapagmasid sa mga bagay na iniiwan sa mga pampasaherong bus, mall, simbahan, paaralan at iba pang matataong lugar. Ipagbigay alam agad ito sa mga awtoridad.
- Latest