MARAMING lumang sasakyan at ang mga ito ang isa sa dahilan kaya grabe ang trapik sa Metro Manila. Kung babawalan ang mga kakarag-karag na sasakyan gaya ng dyipni, tiyak luluwag ang mga kalsada. Bukod sa nagpapasikip sa mga lansangan ang mga lumang dyipni, karamihan sa mga ito ay dispalinghado na ang preno at nagdudulot ng panganib sa mga motorista at pasahero. Ang mga ito rin ang nagpaparumi ng hangin.
May kabuuang 600,000 dyipni sa buong bansa ang dapat i-phase out sapagkat lampas 15-taon na ang mga ito. Ayon sa Department of Transportation and Communications (DOTC) pagbabasehan sa edad ng public utility vehicles kung kailan ito ginawa. Kapag nasa 15 taon na ang sasakyan, dapat na itong alisin sa kalye. Pero katwiran naman ng grupo ng mga jeepney driver at operators, hindi dapat pagbasehan ang edad ng dyipni kundi ang kasalukuyang estado nito. Marami umano sa mga dyipni ay mahigit nang 15 taon pero matibay pa at maayos na naibibiyahe ang mga ito. Kapag daw inalis ang mga lumang dyipni sa kalye, paano ang hanapbuhay ng mga driver? Saan daw kamay ng Diyos kukuha nang ipakakain sa pamilya? Dagdag pa ng grupo, hindi makatwiran ang gagawing pag-phase out sa mga dyipni. Idinagdag pa na hindi raw ang modernization ang target ng DOTC kundi corporatization.
Dapat aminin ng drivers at operators na marami nang lumang dyipni at bus sa Metro Manila na nagdudulot nang pagsisikip ng trapiko. Marami na ring pangyayari na ang mga lumang dyipni ang nawawalan ng preno at inaararo ang mga kabahayan na nagbubunga nang malagim na kamatayan. Lason ang ibinubuga ng mga kakarag-karag na dyipni sa Metro Manila kaya polluted na ang siyudad.
Iisa ang solusyon sa mga problema, walisin na ang mga lumang dyipni.