Sir Juan (86)

HINDI akalain ni Sir Juan na may sekretong lagusan doon. Madilim pero kinaya niyang aninawin ang baytang ng hagdan para makababa. Naririnig pa rin niya ang tila pagwasak sa pinto ng kuwartong pinasukan niya.  Pero bago magiba iyon ng mga sumalakay na pulis ay baka nakalabas na siya sa sekretong lagusan. Ang isang problema ay baka may nag-aabang na sa labas. Baka naghihintay na mayroong lumabas. Huwag naman sana. Nakakahiya kung mahuhuli siya. Mapapabalita na nahuli siya dahil nanonood ng mga babaing nagsasayaw ng hubad. Mapapabalita sa diyaryo at TV at maaaring may makakita o makabasang kakilala o kaklase niya noong college. Nakakahiya dahil dati siyang teacher.

Binilisan pa niya ang pagbaba sa hagdan. Hindi talaga siya pahuhuli!

Hanggang sa makarating siya sa ibaba o basement. Hanggang doon na lamang ang hagdan. Kailangang makita niya ang exit. Bahagyang madilim pero pilit niyang inaninaw.

Wala siyang makitang exit. Ang nakita niya ay isa pang room na nakasara ang pinto. Liban doon ay wala nang iba pang makikita. Baka nasa loob ng room na iyon ang exit.

Tinungo niya ang nakasaradong room. Lakas-loob na tinulak ang pinto. Bumukas! Madilim sa loob. Pumikit siya para sanayin ang mga mata. Hanggang sa unti-unting maaninaw niya ang nasa loob. Parang bodega iyon. May mga nakatambak na sirang upuan at mesa. May nakita siyang malaking cabinet ng damit. May nasulyapan siyang mga nakatambak na tabla at mga kahon na may lamang papel.

Safe siya rito, naisip ni Sir Juan. Binalikan niya ang pinto at kinandado. Para masiguro na hindi mabubuksan, hinarangan niya ng mga sirang silya at mesa. Halos itambak niya sa pinto ang lahat ng silya. Kahit pa mawasak ang pinto, hindi pa rin makakapasok ang raiders dahil sa dami nang nakaharang.

Pinagpawisan si Sir Juan pagkatapos. Ipinasya niyang maupo muna sa isang silya. Napagod siya.

Nakaramdam siya ng ginhawa nang makupo. Ilang oras na rin siyang nagtatago.

Dahil sa pagod napaidlip siya.

Hanggang sa magising siya dahil sa kaluskos na narinig. Ano kaya ‘yun? Daga? Baka nabulabog ang daga dahil sa pagsalansan niya ng mga silya at mesa na iniharang sa pinto.

Nagpatuloy ang kaluskos. Parang umiipod-ipod ang ingay. Ano kaya yun?

Tumayo si Sir Juan para tingnan kung ano ang ingay. Sa gawing kanan sa sulok nagmumula ang kaluskos. Sa kinaroroonan ng mga nakatambak na karton. Baka nga daga ang kumakaluskos.

Dahan-dahan niyang sinilip ang pinagmumulan ng ingay. (Itutuloy)

Show comments