EDITORYAL – Nagtaas ng pasahe ang MRT pero bulok ang serbisyo

NOONG Enero 6, 2015, nagtaas ng pamasahe (50 percent) ang Metro Rail Transit (MRT) at Light Rail Transit (LRT). Akala nang maraming tumatangkilik sa MRT at LRT, magkakaroon ng pagbabago sa serbisyo. Pero lumipas ang isang taon, walang nakitang pagbabago sa dalawang public transport at lalo pang nabulok ang serbisyo. Maraming umasa na hindi na masisira at titigil sa gitna ng biyahe ang MRT pero mas malala pa ang nangyari dahil naglabasan pa ang iba’t ibang aber­ya. Tinatayang 500,000 araw-araw ang pasahero ng MRT. Hanggang ngayon, patuloy ang kanilang kalbaryo sa pagsakay sa bulok na MRT.

Noong nakaraang 2015, hindi mabilang ang aber­ya ng MRT. Kabilang dito ang paghinto habang nasa kalagitnaan ng biyahe, pag-usok sa loob ng coach, pagkalas ng bagon, biglang pagbubukas ng pinto at pabigla-biglang pagpreno ng operator. Ang pinaka-matindi ay ang nangyari noong Agosto 2015 nang biglang sumalpok at lumampas sa barrier ang tren ng MRT sa EDSA-Taft Station. Sa lakas ng impact, 36 na pasahero ang nasugatan. Sa pagsisiyasat ng mga awtoridad, human error ang dahilan kaya lumampas sa barrier.

Sa kabila ng mga aberya, walang ginagawang aksiyon ang pamahalaan particular ang DOTC. Kahit pa araw-araw na binabatikos sa diyaryo at minumura sa radyo ang DOTC, wala ring aksiyon. At ang nakadidismaya pa, nagtaas ng pamasahe pero walang magandang serbisyo sa commuters.

Anim na buwan na lamang sa puwesto ang kasalukuyang administrasyon pero walang maiiwang maganda sa mga tagatangkilik ng MRT at LRT. Laging ipinagmamalaki ang “tuwid na daan” subalit taliwas ito sa nakikitang baluktot na pamamahala sa MRT. Masyadong kinawawa ang kalagayan ng mga pasahero na araw-araw ay kalbaryo ang dinaranas.

Malaking kabiguan ang natamasa ng mamamayan na umasa sa pangakong serbisyo ng MRT.

Show comments