Kambal mula California, sa magkaibang taon ipinanganak

HINDI katulad ng ibang kambal ay magkakaroon ng dalawang birthday celebrations ang isang pares ng kambal sa San Diego California dahil magkaiba hindi lamang ang araw kundi pati na rin ang taon ng kanilang kapanganakan.

Ipinanganak ng 22 taong gulang na si Maribel Valencia ang babaing sanggol na si Jaelyn sa oras na 11:59 p.m. noong Disyembre 31, 2015. Pagkatapos naman ng dalawang minuto ay sumunod na lumabas mula sa kanyang sinapupunan ang lalaking sanggol na si Luis. Enero 1 na nang lumabas si Luis kaya kahit na kambal ay sa magkaibang taon ang kapanganakan nila ng kanyang kambal na si Jaelyn.

May timbang na 4 pounds at 15 ounces si Jaelyn samantalang 5 pounds at 9 ounces naman si Jose. Sa huling bahagi pa ng Enero nakatakdang iluwal ang kambal ngunit kinailangan nang manganak ni Maribel dahil sa kumplikadong posisyon ng isa sa mga sanggol ayon sa ama nilang si Luis Valencia.

Hindi naman makapaniwala kahit ang beterano nang nurse na si Lynette Coatzee sa pagkakaroon nina Jaelyn at Jose ng magkaibang petsa at taon ng kapanganakan. Sa 34 taon daw niyang pagtratrabaho bilang nurse ay ngayon lang siya nakasaksi ng ganitong pangyayari.

Dahil sa pagkakaiba ng taon ng kanilang kapanganakan ay inaasahang mag-aastang ate si Jaelyn sa kanyang kambal kahit dalawang minuto lamang siyang nauna rito.

Show comments