Mga sinanay na kalapati, nade-detect kung may cancer ang pasyente

KUNG sasanayin ang mga kalapati ay maari palang halos maging kasinggaling ng mga ito ang tao sa pag-detect kung may cancer ang isang pasyente, ayon sa isang bagong pag-aaral tungkol sa mga nasabing ibon.

Sinanay ang mga kalapati sa pagtingin ng mga larawan ng mga tumor na kuha ng mikroskopyo. Binibigyan ang mga ibon ng pagkain kung tutukain nila ang screen na nagpapakita ng larawan ng cancerous ang tumor kaya nalalaman nila ang itsura ng mga ito. Pagkatapos ay papakitaan naman sila ng iba pang mga larawan upang makumpirma kung marunong na nga silang sumuri kung may cancer ang pasyente o hindi.

Tagumpay ang pagsasanay ayon kay Professor Richard Levenson ng University of California, Davis dahil matapos lamang ang ilang araw na pagsasanay ay natuto nang ma-detect ng kalapati kung may cancer ang pasyente. Sa 85 porsiyento kasi ng pagkakataon ay tama ang mga ibon sa kung ano sa mga larawang inihaharap sa kanila ang nagpapakita ng cancerous na tumor.

Hindi naman daw kailangang magulat sa kakaibang kakayahan na ito na ipinamalas ng mga kalapati, ayon kay Professor Edward Wasserman ng University of Iowa na eksperto sa ibon. Matatalino raw kasi talaga ang mga kalapati ayon sa mga pag-aaral at talagang magaling ang kanilang mga paningin dahil marunong din silang bumasa ng titik at ng emosyon ng tao, at ang kumilala ng mga sikat na painting.

Bagama’t wala pa ring kapalit ang kakayahan ng isang doktor pagdating sa pagsuri ng sakit, maari pa ring mapakinabangan ang nadiskubreng kakayahang ito ng mga kalapati sa mga pag-aaral kung paano mapabuti ang kakayahan ng mga computer  na ginagamit ng mga espesyalista sa pagsusuri ng iba’t ibang sakit.

Show comments