KAHAPON, isang mag-asawa na may dalawang maliliit na anak ang pumipili ng mga bilog na prutas para panghanda raw sa pagsapit ng Bagong Taon. Labindalawang bilog na prutas ang kanilang iniipon. Iyon daw ay pampasuwerte. Magkakaroon daw nang maraming pera ang sinumang makakumpleto ng 12 bilog na prutas. Bukod doon, magkakaroon din nang magandang buhay at kalusugan ang makakakumpleto sa mga bilog na prutas. Sabi ng mag-asawa, malaki raw ang kanilang paniwala na susuwertehin na sila sa 2016. Magkakaroon na raw sila ng sariling bahay at magkakaroon na rin nang matatag na trabaho si Mister. Punumpuno raw sila nang pag-asa na magkakaroon nang mala-king pagbabago sa kanilang buhay sa pagpasok ng Bagong Taon.
Ang mataas na pag-asang tinataglay ng mga Pilipino sa pagpasok ng 2016 ay nasalamin sa surveys ng Social Weather Stations (SWS) at Pulse Asia.
Sa fourth quarter survey ng SWS na isinagawa noong Disyembre 5-8, lumalabas na 92 percent ng mga Pilipino ay punumpuno ng pag-asa na sasalubungin ang 2016. Naniniwala silang uunlad ang kanilang buhay at makaaahon sa kumunoy ng kahirapan. Malaki ang kanilang pag-asa na magkakaroon nang pagbabago. Walong porsiyento naman ang negatibo sa kanilang pagharap sa 2016 at nagsabing wala silang nadaramang pag-unlad.
Halos ganito rin naman ang survey ng Pulse Asia na ginanap noong Disyembre 4-11, kung saan 89 percent ang nagsabing positibo sila at mataas ang pag-asa na sasalubungin ang 2016. Malaki raw ang paniwala nila na magkakaroon sila nang magandang buhay at matatakasan na ang paghihikahos na matagal nang nakasakmal sa kanila.
Buhay na buhay at punumpuno ng pag-asa ang mga Pillipino sa pagharap sa Bagong Taon. Malaki ang kanilang paniwala na makakamtan na ang mga minimithi sa buhay.
Maligaya at Mapayapang Bagong Taon sa lahat!