ISANG British na lalaki ang ikinakalat ang saya ng Kapaskuhan sa Tokyo sa isang kakaibang paraan.
Tinatakbo ng negosyanteng si Joseph Tame ang mga lansangan ng Tokyo habang may suot-suot na Christmas tree na kumpleto sa ilaw at dekorasyon upang maikalat ang saya ng Kapaskuhan sa capital ng Japan.
Sa kabila raw kasi ng nagagandahang mga pailaw at palamuti sa Tokyo ay mayroon pa ring mga ilang lugar sa siyudad ang walang mga dekorasyong Pamasko kaya naman nililibot niya ang mga ito upang siya na mismo ang magdala ng saya ng Kapaskuhan.
Ginawa ni Joseph ang kanyang Christmas tree costume gamit ang aluminum wire at ang ilang bahagi ng mga plastic na Christmas tree. Gumamit din siya ng 99 na mga baterya at 30 metro ng mga kawad para sa mga Christmas lights na kasama ng kanyang costume. Inabot siya ng dalawang buwan sa paggawa nito.
Noong isang linggo pa sinimulan ni Joseph ang pag-iikot sa Tokyo at naging mainit naman daw ang pagtanggap ng mga taga-Tokyo sa kanyang ginagawa. May mga nagtataka sa kanyang suot ngunit marami naman ang natutuwa at nagpapakuha pa ng litrato kasama siya.
Hindi ito ang unang beses na nagsuot ng kakaibang costume si Joseph upang kumuha ng atensiyon. Dati na siyang nagsuot ng costume na windmill sa isang marathon na ginanap sa Japan upang i-cheer ang iba pang mga tumatakbong kalahok.
Hindi opisyal na ginugunita ang Pasko sa Japan kaya may pasok pa rin sa trabaho tuwing Disyembre 25. Sa kabila nito ay gagala pa rin si Joseph sa mismong araw ng Pasko upang magkalat ng saya sa mga taga-Tokyo.