DALAWANG kongresista ang naghain ng resolusyon upang imbestigahan ng Kongreso ang reklamo laban sa Mitsubishi Montero kaugnay ng sudden unintended acceleration (SUA).
Napakaimportante ng kasong ito dahil nakasalalay ang kaligtasan ng publiko.
Sa panig ng Mitsubishi ay kanilang pinaninindigan na walang depekto ang kanilang ibinentang Montero Sports sa kabila na umabot na sa mahigit sa 100 na ang reklamo rito.
Maaring may ilan dito ang masasabing driver’s error pero kung mahigit 100 na customers ay hindi na yata kapani-paniwala na walang problema sa unit.
Hindi mapipilit ang Mitsubishi na aminin ang depekto ng Montero kaya naman dapat ay agad kumilos ang gobyerno sa lalong madaling panahon partikular ang Department of Trade and Industry (DTI) upang maprotektahan ang interes ng publiko.
Kapag public safety na ang usapan ay dapat mabilis na kumilos ang gobyerno.
Sa gagawing imbestigasyon ng Kongreso batay sa resolusyon nina Partylist congressmen Neri Colmenares at Carlos Isagani Zarate ay dapat na mabigyang diin dito ay ang mabilis na aksiyon ng gobyerno.
Panahon na upang gumawa ng hakbang ang gobyerno ng mga sistema upang matiyak na lahat ng mga pumapasok at ibinebentang sasakyan sa Pilipinas ay ligtas at dumaan sa tinatakdang standards.
Sa mga pangkaraniwang aksidente sa kalsada ay dapat naiimbestigahan ng husto ng mga otoridad hindi basta sinabi ng driver na nawalan ng preno ay tapos na ang kaso.
Abangan ang magiging imbestigasyon ng Kongreso at sana ay maging mabunga ito para sa interes ng publiko.