Montero, h’wag bilhin
PINAYUHAN ng Department of Trade and Industry (DTI) ang publiko na huwag na munang bumili ng kontrobersiyal na Montero Sport dahil sa mga reklamo ukol dito.
Nagsimula nang magsagawa ng imbestigasyon ang DTI at nagpatawag na ng hearing upang dinggin ang reklamo ng mga nakabili ng Montero.
Ayon mismo kay DTI Undersecretary Victorio Mario Dimagiba na siyang nangunguna sa imbestigasyon, kapani-paniwala ang reklamo ng mga nakabili ng Montero.
Kinontra ni Dimagiba ang alegasyon at pahiwatig ng Mitsubishi na gawa gawa lang at imbento ang mga reklamo sa Montero.
Sa kaso ng Montero, dito masusubok ang gobyerno kung papaano mabibigyan ng proteksiyon ang mga consumer.
Sa ibang bansa tulad sa US ay napakahigpit ng consumer protection at kapag nakumpirma na may panganib sa kaligtasan ng consumer at publiko ay agad na ipinag-uutos ang recall ng mga sasakyan.
Sa ngayon ay nagmamatigas ang Mitsubishi na wala raw depekto ang kanilang Montero pero ang malaking tanong dito ay bakit may ilang nagreklamong consumer na binayaran nila na malinaw na isang pag-ako sa kapalpakan sa kanilang ibinebentang sasakyan.
Dapat sampolan ng gobyerno ang Mitsubishi para na rin sa proteksiyon ng publiko.
Makabubuting sundin na muna ng publiko ang payo ng DTI na huwag na munang bumili ng Montero habang hindi pa nareresolba ang eskandalo at sa mga nakabili ng unit na depektibo ay dapat na magkaisa at magsama-sama na maghain ng kaso sa korte upang maparusahan ang Mitsubishi.
Kapag nangyari ito, magsisilbing leksiyon na rin sa lahat ng mga nagbebenta ng sasakyan sa Pilipinas na may lilitaw ba depekto sa kanilang produkto.
- Latest