Dear Dr. Gatmaitan,
Siyam na taon na mula nang ako’y unang magpunta sa Saudi Arabia. Dalawang taon ang lumipas bago ako nakabalik diyan sa atin sa Pinas. At palibhasa, lahat halos ng nandito sa Saudi ay sabik sa pakikipagtalik (at ako’y binata pa), nakipagtalik ako kung kani-kaninong paupahang babae. Mag-iisang buwan na ako riyan nang ako’y makaranas ng tulo. May nana at mahirap umihi. Sa mada-ling sabi, matapos ang dalawang buwang bakasyon ko riyan ay gumaling ako.
Bumalik ako sa Saudi. At makalipas muli ang dalawang taon ay nagbakasyon ako diyan sa atin. Palibhasa ay wala pa rin akong asawa, hindi ko naiwasang makipagtalik sa mga paupahang babae. Iniisip ko na magaling na naman ang naging sakit ko noong unang bakasyon.
Pero sa unang linggo pa lang ng aking bakasyon, at isang beses pa lang akong nakikipagtalik, ay umulit na naman ang sakit ko. Muli ay gumaling na naman ako.
Sa aking muling pagbabakasyon ay magpapakasal na kami ng aking naging gf sa facebook. Sa wakas ay makapag-aasawa na ako! Ang iniisip ko o pinoproblema Dok ay kung uulit kaya ang sakit na ito sa oras na makipagtalik ako sa aking asawa. Sa ngayon ay wala naman akong nararamdaman. Kapag ako ay nagma-masturbate, ayos naman ang aking semilya.
Hindi kaya pag pumasok ang ari ko sa puwerta ng asawa ko at mainitan ulit ay maulit na naman ang sakit ko? Nabasa ko na po sa inyong kolum tungkol sa TULO pero iba itong kaso ko. — Saudi Boy
Dear Saudi Boy,
Ang pakikipagtalik sa mga paupahang babae ay laging may kaakibat na panganib. Sa dami ba naman ng kanilang nakakatalik sa isang araw, kung may isang lalaki roon na impektado ng kahit anong Sexually Transmitted Infection (STI), mahahawang lahat ang iba pang lalaking makakatalik ng babae. Ang tulo o gonorrhea ay isang uri ng STI na madalas makita. At hindi ngunit mukhang malinis o mabango ang babae ay puwera na siya sa impeksyong ito.
Walang immunity sa sakit na tulo. Kahit nagkaroon ka na nito at gumaling ka na, puwede ka pa ulit na maimpeksyon ng tulo. Nagkakataon lamang na tuwing ikaw ay makikipagtalik sa paupahang babae ay nakakatagpo ka ng babaeng may tulo. Kaya ilang ulit kang nahawa nito! Kung hindi mapipigilan ang pakikipagtalik mo sa mga paupahang babae, gumamit ka ng condom. Pinoprotektahan nito ito ang aktuwal na kontak ng ari mo sa puwerta ng babae.
Kung ang mapapangasawa mo ay isang matinong babae, wala kang dapat ikatakot. Hindi na muling uulit ang sakit mo. Walang kinalaman ang init sa loob ng puwerta sa pagkakaroon mo ng tulo dati. Talagang mainit sa loob ng puwerta at normal ‘yon. Tandaan mo, bakterya ang sanhi ng tulo. Nagkataon lamang na nandoon ito sa loob ng puwerta ng isang “impektadong babae”. Siyanga pala, ang mga babaeng may tulo ay kadalasang walang sintoma (hindi gaya ng lalaki) kaya kadalasan, pati sila ay hindi aware na meron silang tulo. Mas malaki tuloy ang posibilidad na maikalat nila ito.