Mistulang hindi makagulapay ang mga airport officials sa isyu ng ‘laglag –bala’ sa NAIA.
Kahapon kasong administratibo ang isinampa sa tanggapan ng Ombudsman ni Sen. Alan Peter Cayetano kasama ang grupo ng VACC at Network of Independent Travel Agents (NITAS) laban kina DOTC Sec. Joseph Emilio Abaya at mga airport officials kabilang dito si MIAA Gen. Manager Jose Angel Honrado, OTS Administrator Rolando Recomono at PNP-AVSEGROUP Director Pablo Balagtas.
Kasabay nito, nais ng mga respondent sa kaso na isailalim sa preventive suspension ang mga nabanggit habang nag-iimbestiga sa kaso.
Ibat-ibang grupo at sektor na ang naaalarma sa sunud-sunod na insidente ng ‘laglag o tanim bala’ sa mga paliparan sa bansa.
Maging sa Senado at sa Kongreso, bubusisiin na rin ang mga insidenteng ito.
Aba’y maging ang mga pasahero, balikbayan man o hindi mistulang ‘napapraning’ na rin sa isyung ito.
Biruin ninyong kanya-kanyang lagay ng tape at balot ng plastic sa kanilang mga bagahe, sa takot na baka sila daw ang matiyempuhan na laglagan ng bala.
Maging ang mga turista binabalutan ng plastic ang kanilang mga maleta.
Malamang na maapektuhan na rin ang turismo sa bansa, dahil ilag na ang maraming dayuhan sa ganitong nangyayaring sa paliparan.
Matinding kahihiyan, ayon sa marami ang pag-init ng isyu.
Habang ang Malacanang ay parang wala lang.
Media ang sinisi na siya umanong nagpalala sa sitwasyon.
Sa una pa lang mistulang ang propaganda ng gobyerno eh, isolated case lang umano ito.
Nagkasunud-sunod , isolated pa rin sa kanila.
Hinintay pa ang mahigit sa isang buwan bago pag-usapan pa lang sa sa lebel ng DOTC ang tungkol sa problema. Isolated pa rin ang nais na palabasin, kahit marami nang pasahero eh napapraning .
Hindi na nga kagandahan ang pasilidad , may nagaganap pang ganitong mga katiwalian. Marapat lang na maaksiyunan na ito ng pamahalaan isolated man o hindi.