Sir Juan (21)

PINAGBABATI ang mga nag-aaway na boarders. Ganoon ang ginagawa ng kanyang nanay na si Aling Encar noong nabubuhay pa. Kapag mayroong nalalamang pag-aaway sa mga boarders o bedspacers niya, agad na pinagkakasundo.

Natatandaan ni Juan, minsan ay may dalawa ring boarders na nag-away dahil lamang sa paggamit ng banyo. Hindi umano malinis ang banyo pagkaraang gamitin ng naunang boarder. Nakakalat umano ang panty. Nagkaroon ng sigawan at muntik pang magsabunutan kung hindi nakarating ang kanyang nanay at naawat  ang dalawang boarders.

Sa halip na pagalitan ng kanyang nanay ang dalawang boarders ay pinayuhan. Marahan at maayos magsalita ang kanyang nanay kaya agad na nagbabati at nagkakaayos ang mga nag-aaway. Kaya naman walang nangyayaring malubhang away sa boarding house. Katwiran ng kanyang ina, ang hindi pagkakaunawaan ay parang apoy na kapag hindi naapula ay agad kakalat. Habang maliit pa ang apoy ay buhusan na agad ng tubig para hindi na lumaki.

At sa nangyayari ngayon na tila hindi nagkakasundo si Nectar at Mahinhin, kaila-ngang maapula na niya. Pero sa palagay ni Juan, si Nectar lamang ang may problema at hindi si Mahinhin. Mukhang si Nectar ang nambu-bully. Kahit ang mga babae ay marunong mambully sa kapwa babae.

Kailangang makakita siya ng tiyempo para mapag-ayos o mapagsundo ang dalawa. Pero kailan kaya iyon? Kailangang maisagawa niya habang maaga pa.

LINGID kay Sir Juan, mayroon nang binabalak si Nectar kay Mahinhin. Minsang nasa laundry si Mahinhin ay pinuntahan ito ni Nectar. (Itutuloy)

Show comments