Sir Juan(10)

NAGPASYA si Juan nang oras ding iyon na tanggapin ang babae sa kabila na wala pa siyang naiisip kung saan ito isasaksak. Sa totoo lang ay wala talagang bakante kahit pa bedspacer. Hindi naman siya maaaring magpaalis ng boar-der. Lalong may magiging ka­wawa.

“Sige, bumalik ka bukas ng umaga at baka mayroon na akong maibigay na titirahan mo,” sabi niya habang nakatingin sa babae.

“Sir, hindi po ba puwedeng ngayon na? Kasi po, umalis na ako sa dating tirahan at dala ko na ang ilan kong gamit — nasa labas po ang maleta ko at isang bag.’’

Napamaang si Juan. Bakit ang lakas ng loob na umalis agad e hindi pa sigurado kung tatanggapin niya.

“Teka, Miss…’’

“Sige na  Sir. Tanggapin n’yo na ako ngayon. Maawa ka po sa akin.’’

Napahinga si Juan. Malalim.

“Kung mayroon lang po akong kamag-anak na matitirahan, hindi na ako mangungu­lit sa iyo. Wala po talaga.’’

Hindi makapagsalita si Juan. Natutuliro siya kung paano ang gagawin.

Hanggang maalala niya ang dating kuwarto ng kanyang namayapang ina --- si Aling Encar. Mula nang mamayapa ang kanyang ina ay hindi na niya ito pinasok. Ano kaya at doon muna niya patuluyin ang estudyanteng ito. Wala na siyang maisip na ibang paraan. Kawawa naman kung hindi niya tatanggapin. Dala na pala ang gamit nito. Umaasa na talagang tatanggapin niya.

“Sige ipalilinis ko ang kuwarto ng aking ina at doon ka muna pansamantala,’’ sabi niya.

“Salamat po. Ako na po ang maglilinis Sir.’’

“Kaya mo? Tatawagin ko pa kasi ang tagalinis.’’

“Opo. Kaya ko po.’’

“Sige. Halika at tingnan mo ang kuwarto.’’

Isinama ni Juan ang babae sa kuwarto ng ina.

Halos katabi lamang iyon ng kanyang kuwarto.

Binuksan ni Juan ang pinto. Nasa likod niya ang babae. (Itutuloy)

 

Show comments