Kasalan hindi natuloy, pero masaganang salu-salo itinuloy para sa mga mahihirap

HANDANG-HANDA na ang lahat para sa kasalan ng anak ni Mrs. Kari Duane na si Quinn. Preparado na ang hotel na pagdarausan nang masaganang handaan. Excited na sila sa kasal ng 27-anyos na anak.

Pero ganoon na lamang ang pagkabigo ni Mrs. Duane nang sa bisperas ng kasal ay tumawag ang kanyang anak na si Quinn at sinabing hindi na matutuloy ang kasal. Kinansela umano ito ng kanyang fiancé. Hindi halos makapagsalita si Mrs. Duane sa natanggap na balita.

Bayad na ang $35,000 na deposits para sa pagdarausan ng kasal. Hindi na iyon mare-refund. At alam ni Mrs. Duane, wala na silang magagawa kundi bayaran pa ang natitira pagkatapos ng piging.

Hanggang isang pasya ang nabuo. Tuloy ang salu-salo pero ang mga iimbitahan ay ang mga mahihirap at maralita sa Sacramento. Maraming walang makain at walang sariling bahay kaya ito na ang pagkakataon para sila matulungan.

Agad na inimbitahan ni Mrs. Duane ang may 120 kapuspalad para sa masaganang salusalo na gagawin sa banquet hall ng Citizen Hotel.

Kinabukasan, naghintay si Mrs. Duane sa mga inimbitahan. U­nang dumating ang isang babae na nakatira sa shelter. Kasunod ay mga matatanda na hindi na makapagtrabaho. May dumating na nag-iisa at mayroong magpapamilya.

Kabilang sa dumating ang pamilya ni Rashad Abdullah na may limang anak. Sa shelter din sila nakatira.

Napakaraming pagkain na pinagsaluhan – salmon, salad, cauliflo­wer, gnocchi at tri-tip beef. May mga appitizers pa.

Labis na nasiyahan ang mga tao sapagkat napakasarap ng pagkain. Ang mga bata ay aliw na aliw sa pagkain.

Sabi ni Rashad Abdullah, “Isang blessing ang dumating sa amin. Hindi namin ito malilimutan. Nakabait nila.’’

Sabi ni Mrs. Duane, kahit na masakit pa rin ang hindi pagkakatuloy ng kasal ng anak, masaya na rin siya sapagkat marami ang nakakain at nasiyahan.

Ang anak ni Mrs. Duane na si Quinn ay piniling mag-stay sa kanilang bahay.

Show comments