Kakaibang Kabayanihan

WORLD War I. Nagpapalitan ng putok ang dalawang panig: Grupo ng sundalong Aleman at grupo ng Amerikano. Malalaking barbed wire ang nakapagitan sa magkalabang grupo. Sa hindi malamang dahilan, isang sundalong Aleman ang nagtangkang tumawid sa kinaroroonan ng mga Amerikano sa pamamagitan ng paglusot sa nakaharang na barbed wire. Sa kasamaang palad ay nahagip ng bala ang Aleman at tumusok ang katawan nito sa malalaking nakausling alambre ng barbed wire. Sa gitna ng malalakas na putukan ay nangibabaw ang nakapangingilabot na daing ng sundalong Aleman dahil hindi naman ito napuruhan ng tama ng bala.

Isang Amerikanong sundalo ang hindi nakatiis sa senar-yong iyon kaya pagapang nitong pinuntahan ang naghihirap na Aleman. Dahan-dahan niyang inalis ang katawan ng Aleman sa pagkakatusok sa barbed wire at binuhat ito patungo sa kinaroroonan ng mga kasamahan. Napansin ito ng dalawang commander sa magkabilang panig at agad na sumenyas na itigil ang putukan.

Isang nakabibinging katahimikan ang lumaganap sa buong paligid. Bago umalis ang Amerikano sa kinaroroonan ng tropang Aleman ay hinawakan siya sa balikat ng German Commander. Hinubad nito ang suot niyang Iron Cross medal (highest German honor for bravery) at ikinabit sa uniporme ng Amerikano. Nagkamay ang dalawang magkalabang sundalo. Nang matiyak ng German Commander na nakabalik na sa kanyang kasamahang tropa ang bayaning Amerikano ay saka itinuloy ang pagbabarilan.

 

Show comments