Mars, meron lang tubig kapag summer?

NAGING tampok na balita sa larangan ng siyensiya nitong nakaraang linggo ang natuklasang tubig sa Mars kapag summer sa planetang ito. Naglalaho lang ang tubig kapag mga buwan na sobra ang lamig dito o iyong bumabagsak ang kanyang temperatura. Gayunman, hindi pa mabatid kung saan nagmumula at ano ang kata-ngian ng tubig nito.

Ayon sa pag-aaral na nalathala sa journal na Nature Geoscience at pinangunahan ni Lujendra Ojha na isang graduate student ng Georgia Institute of Technology, ang bagong tuklas na ito ay maaaring makaapekto sa usapin kung maaaring makasuporta sa microbial life ang Mars na sinasabing halos katulad ng daigdig.

Ipinahiwatig sa ulat na nilikha ng mga scientist ang isang bagong teknik para analisahin ang chemical Map ng kalupaan ng Mars na nalitratuhan ng Mars Reconnaissance Orbiter spacecraft ng National Aeronatics and Space Administration. Nakakita sila rito ng mga bakas ng mga asin na nabubuo lang kapag merong tubig sa makitid na channel na nahati at naging mga cliff wall sa equatorial region ng pulang planeta. Ang mga slope na ito na naunang iniulat noong 2011 at lumilitaw kapag panahon ng tag-init sa Mars ay naglalaho kapag bumabagsak ang temperatura o panahon ng sobrang taglamig doon.  Tinawag itong Recurring Slope Lineae o RSL na hinahati ng umaagos na tubig.

Gumagawa ng pagsukat ang Mars Reconnaissance Orbiter sa naturang lugar sa pinakamainit na bahagi ng Martian day kaya pinapaniwalaan ng mga scientist noon na naglalaho ang anumang traces ng tubig o anumang palatandaan ng hydrated mineral. Bukod dito, hindi makapagbigay ng detalye ang mga chemical-sensing instrument ng Orbiter sa mga makikitid na streak na hindi kukulangin sa 16 na talampakan ang lawak.

Gumawa ang grupo ni Ojha ng isang computer program na makakabusising mabuti sa mga individual pixel at ikinumpara ang datos nito sa high-resolution images ng mga streak. Dito natukoy ang ipinalalagay na hydrated salt.

Nililinaw naman ni Ojha na hindi nila sinasabing natuklasan nila ang ebidensiya na merong likidong tubig sa Mars. Ang nakita nila ay mga hydrated salt.

Pero, ayon sa planetary scientist na si Alfred McEwen ng University of Arizona, kinukumpirma lang sa naturang pag-aaral ang papel na ginagampanan ng tubig sa mga nakikitang mga katangian ng Mars. Saan man anya nanggaling ang tubig at kahit tuwing summer lang lumilitaw, naroon ang posibilidad na merong tubig na maaaring makasuporta ng buhay sa Mars.

Show comments